Balita

93 manggagawa sa plantasyon ng oil palm sa Negros Occidental, iligal na tinanggal

, ,

Sa ika-apat na pagkakataon, muling nagpatupad ng maramihang tanggalan ang Hacienda Asia Plantations Inc. (HAPI Inc.), sosyohan ng Sirawai Plywood and Lumber Corporation ng pamilyang Consunji at ni Alfred Joseph Araneta, sa Barangay Gatuslao, Candoni, Negros Occidental noong Oktubre 24. Sinisante ng kumpanya ang 93 manggagawa, kasunod ng naunang pagsisante sa 22, 43 at 60 manggagawa mula nang nagsimula ang taon.

Sa kabuuan, umabot na sa 218 manggagawa ang tinanggal ng HAPI Inc ngayong taon. Mayroong tinatayang 600 manggagawa ang kumpanya. Unti-unting tinatanggal ang mga manggagawa dahil nataniman na ang hindi bababa sa 3,000 ektaryang lupa ng 6,652.32 ektaryang plantasyon ng oil palm ng HAPI Inc at sinasabing bawas na ang kinakailangang trabaho.

Kinundena ng National Federation of Sugar Workers (NFSW) at Kilusang Mayo Uno (KMU) ang tanggalan sa mga manggagawa. “Sinasalamin nito ang sumasahol na atake ng mga kapitalista laban sa mga manggagawa, at ang kontra-manggagawang katangian ng gubyernong Marcos,” ayon sa KMU.

Sa panayam ng alternatibong midya sa isla ng Negros na Paghimutad, ibinahagi ng tagapagsalita ng NFSW na si Mario Tapi-on na sistematiko ang naging tanggalan. Ang tinanggal na mga manggagawa ay dalawa hanggang tatlong taon nang nagtatrabaho sa kumpanya na sinisante nang walang maayos na proseso at malinaw na dahilan.

Marami rin sa mga manggagawa ang hindi binayaran ng HAPI Inc ng kumpensasyon at separation pay mula nang sinisante. Binantaan sila ng mga superbisor ng kumpanya na huwag magreklamo sa Department of Labor and Employment.

Bago pa ang tanggalan, hindi na binayaran ng kumpanya ang mga benepisyo at seguro tulad ng SSS at PhilHealth na awtomtaikong kinakaltas sa sahod ng naturang mga manggagawa. Pinagkaitan din sila ng 13th month pay, service incentive leave, at iba pang mga kabayarang nakasaan sa batas.

May manggagawa ring arbitraryong idineklarang AWOL (absence without leave) o lumiban nang walang pahintulot. Ang iba ay basta-basta na lamang ipinailalim sa istatus na kaswal kahit matagal na silang regular na mga manggagawa.

Karamihan sa mga manggagawa ng HAPI Inc ay mga magsasakang inagawan ng lupa ng kumpanya para sa paglalatag nito ng plantasyong oil palm. Nilinlang sila ng kumpanya na ibigay ang lupa kapalit ng permanenteng trabaho sa plantasyon. Ilang taon makalipas, dumaranas sila ng gutom dahil sa kawalan ng hanapbuhay at pang-aabuso ng HAPI Inc.

Nanawagan ang NFSW sa natitirang mga manggagawa na tumangging pumirma ng mga dokumento o papeles mula sa pamunuan ng HAPI. Hinikayat rin ng grupo ang mga manggagawa na magreklamo sa DOLE. “Dapat mag-organisa sila, magtayo ng unyon, para protektahan ang kanilang mga karapatan,” ayon kay Tapi-on.

Aniya, lagpas sa panawagan ng mga manggagawa para makamit ang hindi bayad na sahod at benepisyo, dapat magkaisa sila para bawiin ang lupang inagaw ng HAPI Inc mula sa kanila.

Matatandaan na noong Hunyo ay pansamantalang napatigil ang operasyon ng HAPI Inc nang maglabas ng cease-and-desist order ang Environmental Management Bureau (EMB) laban sa kumpanya. Bunga ito ng pagkakalantad ng hindi pagkuha ng kumpanya ng rekisitong Environmental Compliance Certificate (ECC) para sa operasyon nito.

Mula pa 2023, tuluy-tuloy ang pagkilos ng mga magsasaka at katutubong Ati na tinatangkang palayasin ng HAPI Inc para sa ekspansyon ng plantasyon. Itinuturing na forest land (kagubatan) ang lupain na sasaklawin ng plantasyon at ang 4,000 ektarya nito ay lupang ninuno ng katutubong Ati.

Sa pakikipagsabwatan sa lokal na gubyerno ng Candoni, Department of Environment at Natural Resources (DENR) at National Commission of Indigenous Peoples (NCIP), at mga yunit ng Armed Forces of the Philippies, naagaw ng mga Consunji ang naturang lupang pampubliko. Binigyan ng permiso ang kumpanya na gamitin ang lupa sa loob ng 25 taon at maaaring palawigin nang dagdag pang 25 taon.

AB: 93 manggagawa sa plantasyon ng oil palm sa Negros Occidental, iligal na tinanggal