8 bahagi ng kilusang pagwawasto, muling pinagtibay ng Partido
Muling pinagtibay ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa pahayag nito para sa ika-56 anibersaryo ng Partido ang walong bahagi ng kilusang pagwawasto na binalangkas noong nakaraang taon. Ayon sa pamunuan ng Partido, dapat itong komprehensibong ipatupad, ituloy ang mga pagsisikap para rito, magbantay sa mga pagpapabaya, pangibabawan ang inersya, at labanan ang pagbabalik sa mga dating gawi.
“Sa pagpapalapad ng kilusang pagwawasto, nais nating tiyakin na nasasaklaw nito ang lahat ng bahagi ng Partido at lahat ng aspeto ng gawaing rebolusyonaryo,” ayon sa Komite Sentral.
Mayroong walong bahagi ang kilusan na inilatag ng Komite Sentral noong nakaraang taon. Tatlo rito ay mga kampanyang pag-aaral at pagbabalik-aral. Dalawa ang nakatuon sa pag-aaral sa karanasan at kongkretong mga kundisyon. Ang iba pa ay ang nakatuon sa puspusan at lahatang-panig na pagpupuna, pagtatasa sa antas at kakayahan ng lahat ng kasapi ng Partido, at pagtitiyak na naipapatupad ang mga kurso sa edukasyon.
Alinsuod sa pahayag, ito ang sumusunod:
1) kampanyang pag-aaral para puspusang aralin at balik-aralin ang batayang mga prinsipyo ng Marxismo-Leninismo-Maoismo
2) kampanyang pag-aaral para puspusang balik-aralin ang Konstitusyon ng Partido at ang Programa para sa Demokratikong Rebolusyong Bayan
3) kampanyang pag-aaral para balik-aralin ang mga dokumento ng Una at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, Ang Mahigpit Nating mga Tungkulin at Partikular na Katangian ng Ating Digmang Bayan, at mga dokumento ng kasaysayan ng Partido
4) kampanya para lagumin ang mga karanasan at balik-aralin ang dating mga paglalagom
5) kampanya sa panlipunang pagsisiyasat at pagsusuri sa uri sa lahat ng antas
6) kampanya sa pagpuna at pagpuna-sa-sarili sa lahat ng antas
7) kampanya para tasahin ang pagtupad ng lahat ng mga kadre ng Partido
8) nagpapatuloy na kampanya para tiyakin ang lubos na pagpapatupad ng Tatlong Antas na Kurso ng Partido
Ang kilusang pagwawasto na inilunsad noong nakaraang taon ng Komite Sentral ay naglalayong ituwid ang mga pagkakamali at pangibabawan ang mga kahinaan at kakulangan. “Nagmumula ang mga ito pangunahin sa suhetibismong petiburges, pangunahin sa anyo ng empirisismo, sa gawain ng Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon,” ayon sa Komite Sentral.
Panawagan ng pamunuan ng Partido sa mga organo, sangay at mga kasapi na palalimin at palaparin ang kilusang pagwawasto. Anito, nakita sa nagdaang taon na hindi sapat na ideklara ang kilusang pagwawasto at magpahayag ng suporta dito. “Lahat ng komite ng Partido, mula sa sentro hanggang sa lahat ng sangay, ay dapat magpuna-sa-sarili, magwasto ng mga nagdaang kamalian, lubos na yumakap sa Marxismo-Leninismo-Maoismo upang irebolusyunisa ang kanilang pag-iisip at mga pamamaraan ng paggawa, at buong alab na sumulong,” anang komite.
Masusukat umano ang tagumpay ng kilusang pagwawasto sa mga konkretong bilang na nagpapakita ng kantitatibong paglaki at kalitatibong pag-unlad ng Partido, ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka, ng rebolusyonaryong kilusang masa at ng organisadong baseng masa.
“Tiwala tayo na sa pamamagitan ng pagpapalalim at pagpapalawak ng kilusang pagwawasto, mabubuo natin ang isang mas matatag at mas makapangyarihang Partido Komunista ng Pilipinas, at mapamumunuan ang demokratikong rebolusyon ng bayan tungo sa mas malalaking tagumpay sa mga darating na taon,” ayon sa Komite Sentral.