Balita

Mga kadre at kasapi ng Partido sa Southern Tagalog, nakapagtapos ng IKP at AKP

Hindi bababa sa 21 indibidwal ang nakapagtapos sa magkasunod na pag-aaral ng Intermedya (IKP) at Abanteng Kurso ng Partido (AKP) sa Southern Tagalog noong Mayo at Hunyo ayon sa ulat ng Kalatas, rebolusyonaryong pahayagan sa rehiyon, sa isyu nito noong Hunyo. Nagmula ang mga estudyanteng nagtapos sa mga sangay ng Partido sa hukbong bayan at puting purok.

Ayon sa ulat mula sa rehiyon, magkasunod na inilunsad ang dalawang kurso ng Partido sa isang larangang gerilya dito. Naisagawa ang pag-aaral sa gitna ng inilulunsad na focused military operations ng mga pasistang tropa ng Armed Forces of the Philippines.

Ang mga nabanggit na kurso ay bahagi ng gawaing konsolidasyon ng mga organo ng Partido sa rehiyon kasunod ng mga paglalagom ng kani-kanilang mga komite alinsunod sa pambansang panawagan para sa kilusang pagwawasto.

Ayon pa sa ulat ng Kalatas, pagwawasto rin ang pag-aaral sa mayor na natukoy na mga kahinaan sa nakaraan sa matumal na paglulunsad ng pag-aaral sa tatlong antas na kurso ng Partido at iba pang aralin sa Partido.

Sa pahayag ng Komite Sentral ng Partido noong Disyembre 2023, kabilang sa mga idiniin nito ang lubos na pagpapatupad sa Tatlong Antas na Kurso ng Partido bilang bahagi ng kilusang pagwawasto. Mula ito sa natukoy ng pamunuan na problema sa “hindi sustenidong pagsisikap sa gawaing edukasyon.” Sa harap nito, mahalaga umanong “tiyakin na mapatapos ang mga hindi pa.”

Bago pa ang pagpatatapos ng IKP at AKP, naglunsad ng kani-kanilang Paaralang JMS ang mga organo ng Partido upang pag-aralan at balik-aralan ang mahahalagang sulating Marxismo-Leninismo-Maoismo at ng PKP hinggil sa pagbubuo ng Partido at kilusang pagwawasto.

Sa pulong kapihan para sa pagtatapos ng mga estudyante, tinukoy ang mga salik sa matagumpay na pag-aaral. Kabilang sa mga natukoy ang kapasyahan ng komite at mga yunit na ilunsad ang mga pag-aaral, mahigpit na koordinasyon at mahusay na pagsusuri at hakbangin ng yunit kumand ng Bagong Hukbong Bayan, at ang di-matatawarang suporta ng baseng masa.

Naging mapamaraan ang Hukbo at masa para makamit ang mga rekisitos sa pag-aaral tulad ng pangangalap ng mga prutas para ipameryenda sa mga mag-aaral, pag-aangkop sa istruktura ng paaralan at regular na rekurida para tiyakin ang kaligtasan ng buong pwersa.

Hamon ni Ka Gemma, isa sa mga nagtapos ng AKP, “Hindi masusukat sa diploma ang pagkatuto ng mga estudyante kundi sa pagkatuto ng masa at kung maisasalin ito sa kanilang pagkilos.”

AB: Mga kadre at kasapi ng Partido sa Southern Tagalog, nakapagtapos ng IKP at AKP