Balita

800 trabaho sa NAIA, minasaker ng San Miguel Corp

Nilusaw ng New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC) ng San Miguel Corporation (SMC) ang 844 “plantilla position” o mga permanenteng trabaho sa gubyerno matapos mabili ng kumpanya ang paliparan noong nakaraang buwan. Nasa 500 sa mga trabahong ito ay may tumataong regular na empleyado. Ang paglusaw ng pwesto ay sinasabing bahagi ng “transisyon” sa papel ng Manila International Airport Authority (MIAA) mula sa tagapangasiwa ng paliparan tungong isang “regulatory” na ahensya na lamang.

Pinalalabas ng MIAA at SMC na hindi nito sinisante ang regular na mga empleyado dahil ieempleyo naman diumano sila ng NNIC. Wala diumanong “mapapalayas” na manggagawa. Bilang pampalubag-loob, sapat naman diumano ang tinanggap nila na separation pay mula sa gubyerno.

“Patunay ang tanggalan ng higit 800 regular na manggagawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa matagal na naming sinasabi: ang pribatisasyon ay walang ibang dulot sa bayan kundi malakihang tanggalan at pagkakait ng pampublikong serbisyo sa mamamayan,” pahayag ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Aniya, ginagamit lamang na tabing ng SMC at ni Ramon Ang ang “reorganization” para itago ang katotohanang masaker sa kabuhayan ang ginawa sa pagpasok nito sa NAIA.

“Direktang dulot din ng pribatisasyon ang pagtataas ng singil,” aniya. Wala pang isang linggo mula mapasakamay ni Ang ang NAIA, itinaas nito ang singil sa paradahan ng paliparan mula ₱40 tungong ₱50 para sa unang dalawang oras, at ₱300 tungong ₱1,200 para sa magdamag na pagparada ng mga sasakyan.

Ilan pang mga serbisyo tulad ng individual passenger fee o paghingi ng espesyal na serbisyo para sa mga nangangailangan ang itinaas nang 900%, mula ₱800 tungong ₱8,000 (tinagurian ding VIP rates) at para mga bumibyahe bilang grupo nang hangang ₱140,000. Ito ay para ilimita ang espesyal na mga serbisyo sa pinakamayayaman lamang.

“Ang kailangan ng mga manggagawa at mamamayan ay trabahong may kasiguruhan at serbisyong dekalidad at abot-kaya,” ayon kay Adonis. “Salungat ang layunin ng pribatisasyon sa mga kahingiang ito ng manggagawa’t mamamayan dahil ang kaibuturan ng pribatisasyon ay pagkamal ng malaking kita mula sa pagpasok ng mga kapitalista sa mga batayang pangangailangan ng bayan. Kaya hindi ito pag-unlad, sa katunayan ay balakid ito.”

AB: 800 trabaho sa NAIA, minasaker ng San Miguel Corp