Balita

ACT Teachers at Kabataan, kabilang sa ipinroklamang panalong party-list ng Comelec

, ,

Nanalo ng tig-isang pwesto sa House of Representatives ang ACT Teachers at Kabataan, mga partido sa ilalim ng Koalisyong Makabayan, sa eleksyong party-list ngayong 2025. Mauupo bilang kinatawan ng ACT Teachers si Rep. Antonio Tinio habang magsisilbing kinatawan ng Kabataan si Rep. Atty. Renee Co.

Kabilang sina Rep. Tinio at Rep. Co sa mga upisyal na ipinroklama ng Commission on Elections (Comelec) noong Mayo 19 bilang mga kongresista sa ika-20 Kongreso. Mayroong kabuuang 63 pwesto ang nakalaan para sa mga kinatawan ng nanalong mga party-list.

“Isang panalo hindi lang para sa mga guro, kundi para sa bawat Pilipinong ipinaglalaban ang karapatan sa edukasyon, makatarungang sahod, at tunay na reporma sa sektor ng edukasyon,” pahayag ng ACT Teachers Party-list.

Nagpasalamat ang partido ng mga guro sa lahat ng mga sumuporta at lumaban para sa kinabukasan ng guro, kawani, bata, at bayan. Panawagan nito, “sama-sama nating itutuloy ang laban para sa tunay na pagbabago at makabuluhang representasyon sa Kongreso!”

Sa panig ng Kabataan Party-list, ipinangako ni Rep. Co na magsisikap siya para isulong ang mga panukalang batas para sa edukasyon, trabaho, serbisyo, at karapatan ng kabataan. Sa panahon ng kampanya, ibinandera ng partido ang tinawag nitong 10-puntong adyenda ng kabataan.

Ayon kay Rep. Co, “sa kabila ng todo-todong paninira at pandaraya, sumakses tayo dahil sa aktibismo ng kabataang Pilipino.” Sa nagdaang kampanya, at maging bago pa nito, kabi-kabilang mga pag-atake, panggigipit, Red-tagging at iba pang tipo ng paglabag sa karapatang-tao ang isinasagawa ng mga pwersa ng estado laban sa Kabataan Party-list at mga kaanib nito sa Koalisyong Makabayan.

“Ang pambansang koordinadong operasyon ng Red-tagging at kampanya ng paninira ng NTF-Elcac ay mas lalo pang naging kumplikado gamit ang paglalagay ng mga kabaong [sa pampublikong lugar], panghaharas at pagdukot sa mga boluntir, at deepfake,” ayon sa kanya.

Sa harap ng mga atake, nakapagpanalo ang Kabataan ng pwesto kasama ang ACT Teachers. Liban dito, nakatanggap ng kalahating milyon hanggang 4.64 milyong boto ang 11 kandidato sa pagkasenador ng Makabayan. Mayroong kabuuang 1.08 milyong boto ang mga partido ng Makabayan na Bayan Muna, Gabriela Women’s Party (GWP) at ang nanalong ACT Teachers at Kabataan.

Bigong makakuha ng pwesto sa Kongreso ang GWP at Bayan Muna. Hindi rin nakasakmit ng pwesto ang partido ng mga manggagawang pangkalusugan na Health Worker’s Party-list. “Dinaya nila ang mga ito, lalo na ang Gabriela at Bayan Muna,” pahayag ni GWP Rep. Arlene Brosas, tumakbong senador sa ilalim ng Makabayan.

Sa kabila ng pagkatalo, nanindigan ang GWP na ipagpapatuloy nito ang pakikibaka para sa karapatan at kagalingan ng kababaihang Pilipio. “Hindi man tayo iproklama, tuloy ang pangangalampag ng Gabriela Women’s Party para sa mga panukalang batas na tunay na maka-kababaihan at maka-mahirap,” ayon kay GWP Vice President Sarah Elago.

Samantala, nakabitin ang proklamasyon sa Duterte Youth (tatlong pwesto) at Bagong Henerasyon (isang pwesto) matapos itong suspendhin ng Comelec dahil sa kinahaharap nilang mga reklamo at kaso ng diskwalipikasyon.

Sa tala ng Comelec, mayroong 3.3 milyong “overvote” sa party-list sa nagdaang halalan. Hindi naman bababa sa 15.4 milyon o 26.85% ng lahat ng mga boto sa party-list ang idineklarang hindi balido o blangko.

AB: ACT Teachers at Kabataan, kabilang sa ipinroklamang panalong party-list ng Comelec