Balita

Bagong grupo ng mga katutubo na kontra Apayao Dam, itinatag

, ,

Nagtipon ang mga residente at katutubo sa Kabugao, Apayao noong Enero 16 sa Community Learning Center upang itatag ang Kagdu Kabugao Association for the Defence of Community and Environment (Kagdu), grupo na laban sa proyektong Gened Hydropower dam. Ang kagdu ay kakampi o kasama sa wikang Isneg.

Ayon kay Jennymar Melad, tagapangulo ng Kagdu, itinatag ang grupo upang pahigpitin ang pagkakaisa at mapatibay ang desisyon ng komunidad hinggil sa laban sa proyektong dam. Ang Kagdu ay sangay ng United Apayao Environmental and Cultural Community Organization Inc. (United Apayao). Itinatag ito ng mga dating kasapi matapos mapansin nilang hindi nagsisikap ang pamunuan na muling tipunin ang mga komunidad na dati nitong pinagsilbihan.

Ayon sa grupong Alyansa ti pesante iti Kordiliera (Apit Tako), kapag matapos ang imbakan ng tubig, aabot sa 19 na barangay, na bahagi ng katutubong lupain ng Isnag, ang lulubog. Nasa 900 ektarya ang malulubog kapag natapos ang Gened 1 Hydro Electric Power Plant (HEPP), kabilang dito ang mga barangay ng Waga, Bulu, Magabata, Laco, Poblacion, Luttuacan at Nagbabalayan sa bayan ng Kabugao at barangay Lt. Balag sa bayan ng Pudtol. Nasa 500 ektarya naman ang maapektuhan ng Gened 2 HEPP, kabilang ang mga barangay ng Madatag, Dibagat at Tuyangan sa bayan ng Kabugao. Maaring lalo pang lumala ang paglubog ng mga komunidad at pagbaha sa mga komunidad na nasa itaas na bahagi ng Ilog. Mahaharap sa katulad na panganib ang mga bayan sa ibabang bahagi tulad ng Flora, Sta. Marcela at Luna.

Noong Nobyembre 2025, naglunsad ng surbey ang kumpanya sa mga residente na nakatira sa inihain na daanan para sa site ng Gened 2. Ayon sa mga residente barangay Madatag, minarkahan ng mga trabahador ng kumpanya ang mga puno na planong putulin, habang sinasamahan sila ng mga pulis.

Naglunsad ng pulong ang meyor Kabugao at gubernador ng Apayao sa mga residente hinggil sa renegosasyon sa MOA para sa proyektong Gened 1 at iba pang usapain sa Gened 1 at 2 noong Nobyembre at Disyembre 2025. Ayon sa mga residente, sa kabila ng hindi pagkakasundo hinggil sa binagong MOA, ipinasok pa rin ng kumpanya ang mabibigat na makinarya para sa konstruksyon ng Gened 2 noong huling linggo ng Disyembre.

Ang mga dam ay proyekto ng Pan Pacific Renewable Power Philippines Corporation (Pan Pacific), subdisyaryo ng San Miguel Corporation, kumpanyang pagmamay-ari ni Ramong Ang.

AB: Bagong grupo ng mga katutubo na kontra Apayao Dam, itinatag