Balita

Bilanggong pulitikal, nanalo sa eleksyong pangmag-aaral sa UP Diliman

, ,

Itinuring na makasaysayan ng iba’t ibang mga grupo sa University of the Philippines-Diliman (UPD) ang pagkakahalal sa unang pagkakataon sa isang bilanggong pulitikal sa University Student Council (USC). Nanalo bilang numero unong konsehal ng UPD USC si Amanda Echanis, halos limang taon nang nakakulong, sa eleksyon noong Mayo 15-16.

“Lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng bumoto at nagtiwala sa akin. Pinatunayan natin na hindi hadlang ang rehas sa kagustuhang makapagsilbi sa mamamayan,” pahayag ni Echanis sa kanyang pagkapanalo.

Si Echanis ay isang estudyante sa UP College of Arts and Letters sa kursong BA Malikhaing Pagsulat sa Filipino. Tumakbo siya sa ilalim ng Laban Kabataan Coalition kasama ang mga kandidatong tagapangulo, ikalawang tagapangulo, anim na iba pang konsehal, at mga kinatawan sa pitong kolehiyo. Ibinandila ng koalisyon ang pagsusulong ng isang tunay, palaban at makabayang konseho.

Nanalo ang kandidatong tagapangulo at pitong konsehal ng koalisyon. Nakuha rin ng tagapangulo nito ang higit 6,000 na libong boto, na itinuturing na makasaysayan simula noong 2000. Nabasag ng pagkapanalo ng koalisyon ang “pagkapanalo” ng “abstain” sa nagdaang mga regular na eleksyon sa UPD USC. Naipanalo rin ng koalisyon ang marami sa mga kandidato sa mga lokal na konseho sa kolehiyo.

“Tumindig ang mga Iskolar ng Bayan na gusto nila ng USC na kasama nilang lalaban para sa dagdag na pondo sa edukasyon, para sa alternatibong pulitika ng paglaban, para sa taumbayan, at para sa genuine student representation,” ayon kay Joaquin Buenaflor, nahalal na tagapangulo. Aniya, sa tindi ng krisis mula pamantasan hanggang pambansa, ay dapat lumaban ang kabataan. “Magpapatuloy ang militanteng diwa ng paglaban natin,” dagdag pa ni Buenaflor.

Samantala, binati ng Kapatid, grupo ng mga kaanak at kaibigan ng mga bilanggong pulitikal, ang pagkapanalo ni Echanis. “Dahil sa hindi pangkaraniwang tagumpay na ito sa [UP Diliman], nananawagan ang Kapatid sa pamahalaan na magsagawa ng isang non-custodial arrangement para kay Amanda Echanis, kung saan ang Pangulo ng UP o isang upisyal ng unibersidad na ligal na itinalaga ang magiging judicially-recognized custodial guarantor,” pahayag ni Fides Lim, tagapagsalita ng Kapatid.

Dagdag niya, ang ganoong mekanismo ay magbibigay-daan kay Echanis na gampanan ang kanyang mga tungkuling demokratikong itinalaga bilang isang lider-estudyante, habang buong iginagalang ang proseso ng hudikatura at pagtiyak ng pangangasiwa ng korte.

Hinimok ni Lim ang Department of Justice at mga korte na kilalanin ang kakaibang kalagayan ni Echanis at ang napakalaking mandato na ibinigay sa kanya ng mga estudyante para pag-aralan ang posibilidad ng non-custodial na mga ligal na remedyo katulad ng recognizance o pyansa.

Kinilala rin ni Lim ang pagpapasaklaw ng UP sa alternative learning system (ALS) nito na nagbigay daan para makapag-aral si Echanis. “Pinatutunayan ng akademikong rekord at aktibong partisipasyon ni Amanda bilang estudyante ng UP kung ano ang posibleng mangyari kung pinipili ng mga institusyon ang inclusivity,” ayon pa kay Lim.

Muli namang nanawagan ang mga grupo sa karapatang-tao na ibasura ang kasong illegal possession of firearms and explosives, karaniwang ginagamit na kaso laban sa mga aktibista at organisador. Inaresto siya noong Disyembre 2, 2020 sa Barangay Carupian, Baggao, Cagayan habang nag-aalaga sa isang buwan niyang sanggol. Kasalukuyang nakakulong si Echanis sa Cagayan Provincial Jail sa Tuguegarao City kung saan niya ipinagpapatuloy ang kanyang pag-aaral sa paraang online.

AB: Bilanggong pulitikal, nanalo sa eleksyong pangmag-aaral sa UP Diliman