Balita

Cuba, nakatakdang tanggalin ng US sa listahan nito ng mga bansang "sponsor" ng terorismo

,

Noong Enero 14, nagpabatid ang presidente ng US na si Joseph Biden sa Kongreso ng bansa na balak ng kanyang administrasyon na tanggalin ang Cuba sa listahan ng mga “estado na isponsor ng terorismo.” Inianunsyo ang pagtatanggal anim na araw bago nakatakdang matapos ang termino ni Biden at magsimula ang pangalawang termino ni Donald Trump bilang presidente.

Katulad ng malulupit na sangsyon o pagparusa sa ekonomya sa bansa, matagal nang ipinanawagan ng mayorya ng mga bansa at mamamayan sa US ang pagtatanggal sa mga restriksyon na nagdulot sa matinding paghihirap ng mga Cubano.

Sinasabing ang hakbang na ito ay bahagi ng pakikipagnegosasyon ng US para sa pagpapalaya ng mga ibinilanggo ng Cuba dulot ng kanilang mga subersibong aktibidad. Isinagawa ng mga bilanggong ito ang naturang mga aktibidad sa kumpas ng US para patalsikin ang gubyerno ng Havana.

Kinilala ng Cuba ang hakbang bilang positibo. Isa itong “pagwawasto, sa napalimitadong paraan, sa ilang aspeto ng malupit at di makatarungang patakaran,” ayon sa ministro sa ugnayang panlabas ng Cuba. Hindi iniaatras ni Biden ang mga sangsyon ng US na lumumpo sa ekonomya ng Cuba at itinuturing na “genocidal” at iligal.

Sa hiwalay na pahayag, inianunsyo ng ministro ang pagpapalaya sa 553 indibidwal na hinatulan sa iba’t ibang krimen, alinsunod sa pakikipag-usap ng Cuba sa Vatican, sentro ng simbahang Katolika.

Inilagay ang Cuba sa listahan noong 2021, sa ilalim ng unang termino ni Trump bilang presidente. Ginawang sangkalan noong ng US ang presensya ng 10 lider ng FARC, isang armadong grupo sa Colombia, na noo’y nakikipag-usapang pangkapayapaan sa kanilang estado.

Bunga ng designasyon, ipinataw ang dagdag na mga restriksyon sa pakikipagkalakalan ng bansa at pagtanggap ng makataong ayuda sa panahon ng kagipitan mula sa mga internasyunal na makataong organisasyon. Dati nang hirap ang bansa dulot ng nakalulumpong mga sangsyon sa ekonomya na dinagdagan pa ni Trump noong una siyang maupo sa pwesto.

Sa pagbabalik ni Trump sa poder, malaki ang posibilidad na ibabalik lamang niya ang designasyon, at lalupang pahihirapan ang mamamayang Cubano.

AB: Cuba, nakatakdang tanggalin ng US sa listahan nito ng mga bansang "sponsor" ng terorismo