Iskemang "opt-out" sa libreng edukasyon sa Tarlac State University, nilalabanan ng mga estudyante
Binatikos ng mga estudyante ng Tarlac State University (TSU) ang mahigpit na iskemang “opt-out” o pagpapaliban sa libreng edukasyon sa loob ng unibersidad. Kumilos ang mga konseho at estudyante para itulak ang pagpapalawig sa dedlayn sa pagbayad ng matrikula para sa ikalawang semestre at kundenahin ang pagkakait sa mga estudyante ng kanilang karapatan sa edukasyon sa ilalim ng iskemang ito.
Ang iskemang “opt-out” sa TSU ay sinimulang ipatupad noong Hunyo 2024 bilang bahagi ng implementasyon sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931). Ayon sa iskema ng TSU, ang mga ipinailalim sa “opt-out” ay ang mga hindi nakapasok sa kota sa mga kurso at programang gustong kunin ng mga estudyante. Tugon umano ito ng unibersidad sa dumadaming aplikante na nais makapasok ngunit hindi na masaklaw ng libreng edukasyon dahil sa kakulangan sa badyet.
Dahil sa patakarang ito naglabas ng isang petisyon ang TSU Supreme Student Council noong Pebrero 22 na humihiling ng pagpapalawig sa panahon ng pagbabayad ng matrikula ng mga estudyante na kabilang sa iskemang “opt-out” para sa ikalawang semestre. Laman din nito ang panawagan ng konseho sa administrasyon na suspendihin ang “student purging schedule” sa mga hindi makapagbabayad.
Ayon sa konseho, layon ng kanilang petisyon na mabigyan ng sapat na panahon ang mga estudyanteng may limitadong kakayahang pampinansya upang makapagbayad nang hindi naaapektuhan ang kanilang pag-aaral. Upisyal na isinumite ng konseho ang petisyon sa administrasyon ng unibersidad noong Pebrero 26.
Bago nito, isang kilos-protesta ang inilunsad ng mga estudyante ng TSU sa kampus noong Pebrero 25. Higit 400 naman ang lumahok sa mga talakayang pinangunahan ng konseho noong Pebrero 19. Dahil sa mga pagkilos, tumugon ang administrasyon at iniusod ang dedlayn ng pagbabayad habang pansamantalang napahinto rin ang araw ng “purging.”
Ayon sa National Union of Students of the Philippines (NUSP)-Tarlac, ang paunang tagumpay na nakamit ng mga estudyante ng TSU ay hindi kabutihang-loob ng administrasyon kundi resulta ng pagkakaisa ng mga estudyante. Gayunman, itinuturing ng unyon bilang “panandaliang lunas” lamang ang pagpapalawig ng dedlayn at pansamantalang pagpapatigil ng “purging.”
Anang unyon, hindi dapat makuntento ang mga estudyante dito dahil hangga’t nananatili ang patakarang “opt-out” ay mananatili itong banta sa kawalan ng akses sa edukasyon para sa mga estudyanteng walang kakayahang magbayad. Panawagan ng NUSP-Tarlac na ibasura ang iskemang “opt-out” at isulong ang pagpapatupad ng “tunay na libreng edukasyon na hindi batay sa kapasidad ng isang estudyanteng magbayad.”
Nanawagan ang unyon sa lahat ng konseho, organisasyon, at estudyante na ipagpatuloy ang kanilang laban para sa libreng edukasyon. “Hindi pa tapos ang laban,” anito. Kasabay nito, binatikos nito ang rehimeng Marcos dahil sa kakulangan ng badyet sa edukasyon na siyang pinag-uugatan ng naturang iskema.
Nagpaabot rin ng pagbati sa paunang tagumpay ang pambansang upisina ng NUSP. Anila, handa silang patuloy na makipagkaisa sa mga estudyante ng TSU sa hinaharap at isulong ang mas malaking badyet sa edukasyon sa bansa. “Hangga’t nananatili ang bulok na oryentasyon ng edukasyong pinapairal ang kolonyal, komersyalisado, at represibong anyo nito, makatwiran ang ating patuloy na pagkilos para sa karapatan sa edukasyon,” pahayag ng NUSP.