Diskwalipikasyon sa Duterte Youth, itinulak ng higit 100 organisasyong kabataan
Higit 100 organisasyon at konseho ng mga kabataan at estudyante, sa pangunguna ng Kabataan Tayo ang Pag-asa (KTAP), ang nananawagan para sa diskwalipikasyon o pagtanggal ng rehistro ng Commission on Elections (Comelec) ng Duterte Youth Party-list. Anila, hindi kailanman kinatawan ng partido ang interes ng kanilang sektor at sa halip ay nagdala pa sa kanila ng kapahamakan.
Ang Duterte Youth ay itinatag ni Ronald Cardema noong 2016 bilang suporta kay Rodrigo Duterte, isang mamamatay-tao, kurakot at pasista. Nagpapanggap ito na kumakatawan sa interes ng kabataan.
Tumakbo ito sa eleksyong party-list noong 2019 at 2022 kung saan nakakuha sila ng isang pwesto. Walang halos ginawa at ipinanukala ang mga kinatawan nito sa kongreso. Ngayong eleksyong 2025, kwestyunableng nakapagpanalo ito ng tatlong pwesto.
Sa nagkakaisang pahayag ng mga grupo ng estudyante, sinabi nitong susi ang papel ng sistemang party-list para tiyakin ang nararapat na representatsyon at boses ng mga mahihirap sa House of Representatives. “Gayunman, ang integridad ng depinisyon na ito ay nagiging kuwestiyonable dahil sa pag-iral at pagrerehistro ng ilang kahina-hinala at pekeng mga party-list,” ayon sa pahayag.
Sa datos ng grupong Kontra Daya, 86 sa 156 tumakbong partido para sa eleksyong party-list ay mga partido ng mga dinastiyang pulitikal, malalaking negosyo at militar o pulis; nahaharap sa mga kaso ng korapsyon, may di mapagkakatiwalaang adbokasiya o di kaya’y walang isinasapublikong sapat na impormasyon. Kabilang dito ang Duterte Youth.
Anang mga grupo, ipinagmamalaki ng Duterte Youth ang adbokasiya nito laban sa mga “maka-kaliwang grupo” na ginagamit para sa kampanyang Red-tagging, walang batayang aksusasyon at pagpapalaganap ng maling impormasyon na tumatarget sa mga progresibong grupo at kabataan.
“Ang pinalalabas nilang patriyotismo, sa katotohanan, ay sistematikong kampanyang nagpapahamak sa buhay, sumisira sa demokrasya, at nagpapatahimik sa mga nagsasalita,” anang pahayag.
Dahil dito, itinuring ng KTAP bilang “seryosong banta” sa kaligtasan ng mga kabataan, estudyante at progresibong indibidwal ang Duterte Youth. “Ang ganitong masamang pag-uugali ay higit na sapat para bigyang katwiran ang pagsasampa ng mga kaso ng diskwalipikasyon laban sa grupo,” ayon sa pahayag.
Hinimok nila ang Comelec na kaagad ibasura ang rehistro ng Duterte Youth. Nanawagan rin sila sa mga kapwa Pilipino at kabataan na magsama-sama at tuligsain ang mga partidong tulad ng Duterte Youth na perwisyo sa kabataan.
Noong Mayo 8, nagsampa ng panibagong petisyon ang mga lider-kabataan sa Comelec para ipakansela ang rehistro ng Duterte Youth. Nanguna sa pagsasampa ng petisyon sina University of the Philippines Student Regent Francesca Duran, Polytechnic Univerity of the Philippines Student Regent Troy Cabangon, at Youth Advocates for Climate Action Philippines National Coordinator Rachelle Junsay. Kasama nila bilang abugado ang National Union of People’s Lawyers (NUPL).
Noong Abril, naghain ng Motion to Urgently Resolve ang KTAP sa naunang kaso ng diskwalipikasyon laban sa Duterte Youth na nakabinbin mula pa noong 2019.
Ayon pa sa pahayag ng mga grupo, kinakailangan ng mga Pilipino ang tunay na kinatawan sa gubyerno. Kaugnay nito, nanawagan din sila na amyendahan ang batas hinggil sa party-list para hindi magamit at samantalahin ng mga katulad na partido ng Duterte Youth.