Escudero, binatikos sa pagkanlong kay Bato dela Rosa
Binatikos ng isang progresibong kongresista at ng grupo sa karapatang-tao si Senate Pres. Francis Escudero sa pahayag niyang ibubukas niya ang Senado para hindi maaresto si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sakaling ipaaresto siya ng International Criminal Court (ICC).
“Ang pagtatanggol ni Escudero kay Dela Rosa ay magpapabagal o baka magpahinto pa sa paglipat ni Dela Rosa sa hurisdiksyon ng ICC,” ayon kay Maria Sol Taule, deputy secretary general ng Karapatan. Maari itong ituring na isang anyo ng obstruction of justice o pagharang sa katarungan, aniya.
Ang pangalan ni dela Rosa ang isa sa mga pangalang nakatago bilang “co-perpetrator” o kasabwat ni Rodrigo Duterte sa kanyang huwad na gera kontra-droga. Taliwas sa pagtatapang-tapang ni dela Rosa sa nakaraan, nagmakaawa siya kay Escudero na bigyan ng sangtwaryo ng Senado oras na ihain ang mandamyento sa kanya. Sinang-ayunan ito ni Escudero sa pagdadahilang ang pagkanlong kay dela Rosa ay isang “institutional courtesy” kung saan di pinapayagan ng Senado na arestuhin ang isang senador kapag nasa sesyon ito. Kasalukuyang nasa “recess” o pansamantalang break ang Senado.
“Gamit na gamit ang institutional courtesy para hindi mabuklat ang budget ng OVP (Office of the Vice President) at ng Presidente, tapos ngayon gagamitin uli ito para itago ang isang senador dahil lang napapraning na siya?” pagkutya ng kinatawan ng Kabataan Partylist na si Rep. Raoul Manuel. Aniya, lumalabas na ang Senado ay “pwedeng isara nang matagal para di maglunsad ng impeachment trial pero pwedeng magbukas bilang kanlungan ng isang berdugo?”
Ang pagpapatago ni dela Rosa sa Senado, kahit wala ito sa sesyon, ay pag-aming “guilty” siya, ani Manuel. Sayang lamang din aniya ang pondo ng bayan na gagamitin para sa pampa-aircon ni dela Rosa.
“Hindi dapat gamitin ni Escudero ang tradisyon ng Senado upang bigyang katwiran ang pagkanlong sa isang kilalang lumalabag sa karapatang-tao tulad ni Bato dela Rosa,” ayon kay Taule. “Ang pagpapabagal o pagpigil sa pagsusuko sa kanya sa ICC ay dagdag na inhustisya para sa mga biktima ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ni Duterte na matagal nang naghintay para sa pagkakataong mapanagot siya.”