Balita

Hustisya para sa mga biktima, iginiit sa unang pagharap ni Duterte sa ICC

,

Daan-daan ang nagtipon sa loob at labas ng Pilipinas para ipanawagan ang hustisya para sa mga biktima ng huwad na gera kontra-droga noong Marso 14, ilang oras bago humarap si Rodrigo Duterte sa unang pagkakataon sa International Criminal Court (ICC) para basahin sa kanyang presensya ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

Sa Metro Manila, magkasabay na isinagawa ang Black Friday Protest sa Katipunan Avenue sa Quezon City at Taft Avenue sa Maynila. Panawagan ng mga nagprotesta ang “Duterte Ikulong!” at “Convict Duterte Now” ngayong nasa kamay na ng ICC ang dating pangulo. Kasabay nilang ipinanawagan ang hustisya para sa mga aktibista at tagapagtanggol ng karapatang-tao na pinaslang sa panahon ni Duterte.

Pagsapit ng gabi, nagtipon sa National Council of Churches in the Philippines ang mga pamilya ng mga biktima para sabay-sabay na panoorin ang pagharap ni Duterte sa korte. Nagkaroon din ng pagtitipon sa Cebu sa pangunguna ng Bayan Central Visayas at Rise Up Cebu.

Sa The Netherlands mismo, nagtipon sa harap ng ICC sa The Hague ang mga myembro ng Bagong Alyansang Makabayan Europe, Migrante Europe, Gabriela, at Friends of the Filipino People in Struggle para ipanawagan ang paghatol na maysala kay Duterte. Sinalubong din nila si Duterte ng protesta noong una siyang dinala sa kulungan noong Marso 11.

Pinansin nila ang pag-aresto kay Duterte na naayon sa karampatang proseso, kabaliktaran sa kaso ng libu-libong biktima ng kanyang drug war na basta na lamang pinatay. Sinaluduhan din nila ang mga pamilya ng mga biktima sa kanilang tapang at nakiisa sa “makasaysayang hakbang” sa pagkamit ng hustisya.

Sa US, nagtipon ang mga Pilipino sa 10 syudad kasabay ng Black Friday Protest sa Pilipinas. Nagkaroon ng pagkilos sa harap ng mga konsulado ng Pilipinas sa Los Angeles, Honululu, New York, Philadelphia, Portland, San Francisco, Seattle, Washington D.C. at Chicago. Pinamunuan ang mga pagtitipin ng Bayan-USA at Malaya Movement.

Binatikos nila ang “double standard” na ipinakita ng konsulado ng Pilipinas sa The Netherlands na nagkandarapang magbigay ng tulong kay Duterte pagdating niya doon. Anila, nasa bansa si Duterte para litisin sa kanyang mga krimen. Isa siyang war criminal na galing sa isa sa pinakamakapangyarihan at mayamang dinastiya sa Pilipinas.

“Ang tunay na nangangailangan ng tulong (ng konsulado) ay ang mga pamilya ng mahigit 30,000 taong pinatay ni Duterte sa kanyang drug war,” pahayag ng Bayan USA. Gayundin si Mary Jane Veloso at ang pamilyang Roque sa Southern California na kinailangang maghintay ng isang buong taon para makatanggap ng tulong mula sa konsulado ng Pillipinas, anito.

Unang salang

Ang unang pagharap ni Duterte sa korte ay para tukuyin ang pagkakakilanlan sa kanya, ipaalam sa kanya ang isinampang kaso at kanyang mga karapatan bilang suspek. Hinarap siya ng tatlong husgado ng Pre-trial Chamber 1 na sila ring pumirma sa kanyang mandamyento de aresto. Sa mandamyento na ito na may petsang Marso 7, inilatag ng korte ang kasong krimen laban sa sangkatauhan, partikular ang pagpatay. Sinaklaw ng mandamyento ang mga kaso ng pagpatay mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

Sa pagdinig na ito, inilinaw ng korte na wasto ang dinaanang proseso ng paghahain ng mandamyento at pagdadala kay Duterte sa The Netherlands. Pinabulaanan nito na “kidnapping” ang naganap, at isinagawa ang pag-aresto kay Duterte sa Pilipinas alinsunod sa kooperasyon ng gubyerno ng Pilipinas sa Interpol. Inilinaw din ng korte na nasa maayos na kalagayan si Duterte sa detensyon, at “mulat” siya sa lahat ng hakbang na isinasagawa ng korte. Natingnan rin siya ng doktor, alinsunod sa kanyang mga karapatan bilang detenido. May akses din sa kanya ang kanyang pamilya, partikular si VP Sara Duterte na sumunod sa The Netherlands isang araw matapos dalhin doon ang kanyang ama.

Itinakda ng korte ang kasunod na pagdinig sa Setyembre 23, 2025 para bigyan ng panahon ang kampo ni Duterte na makapaghanda.

AB: Hustisya para sa mga biktima, iginiit sa unang pagharap ni Duterte sa ICC