Ika-21 negosasyon para sa bagong CBA sa Nexperia Philippines, deadlock muli
Muling nauwi sa deadlock ang negosasyon ng Nexperia Workers Philippines Inc. Workers Union-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NWPIWU-NAFLU-KMU) sa kapitalista ng Nexperia Philippines sa ika-21 paghaharap noong Nobyembre 29. Noong Enero pa nag-umpisa ang pakikipagnegosasyon ng unyon para sa bagong collective bargaining agreement (CBA) ngunit patuloy silang binabarat ng kumpanya.
Ayon sa pahayag ng unyon, pang-ho-hostage ang ginagawa ng kapitalista dahil gusto nitong ipatanggap na lamang ang mumong panukala na ₱17 dagdag sahod kada araw at ₱15,000 na signing Bonus. Ayon sa maneydsment, ibabalik na ang badyet para sa CBA dahil sa nalalapit na pagtatapos ng fiscal year.
“Hindi katanggap-tanggap ang paliwanag nilang ito dahil kung gustong matapos ang CBA may nakahanda dapat silang counter-proposal o paggalaw mula sa mababa nilang offer,” pahayag ng NWPIWU. Hindi rin kumbinsido ang unyon sa sinasabi ng kumpanya na mag-uusap pa ang ilang mga upisyal nito sa Malaysia na posibleng magbigay ng kasagutan sa usapin ng CBA.
Pagdidiin ng mga manggagawa, mayroong nakalaang badyet para sa CBA na dapat ay tinatamasa ng mga manggagawa dahil mula ito sa kinita ng Nexperia sa nagdaang tatlong taon ng kanilang pagtatrabaho. “Mistulang ninakaw ito sa atin kaya pinatatagal ang negosasyon at ngayon naman ay isasara na ang budget? Tuwirang panloloko ito,” ayon sa unyon.
Ang tangi lamang umanong hiling ng mga manggagawa ay paunlarin ang dati na nilang natatamasa at nakukuha mula sa nakaraang CBA. Sa harap nito, patung-patong na maniobra at panggigipit ang iwinawasiwas ng kapitalistang Nexperia sa kanila.
Sinubukan nitong pigilan ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa noong Nobyembre 29 sa pag-antala ng shuttle na susundo sa mga manggagawa. Liban dito, inireklamo ng unyon ang napakaraming gwardya at mga pulis sa paligid ng kumpanya habang nagpuprotesta ang mga manggagawa.
Bilang tugon dito, nagsagawa ng mas malaking protesta ang mga manggagawa sa pagawaan noong Nobyembre 30, kaarawan ni Andres Bonifacio at Araw ng Paniningil ng Masang Anakpawis. Nagmartsa sila patungo sa labas ng Light Industry and Science Park (LISP) sa Calamba City, Laguna.
Samantala, kabi-kabila ang pagbati ng mga kapatid na unyon at pederasyon ng NWPIWU sa anibersaryo nito. Itinatag ang unyon ng mga manggagawa, mula sa dati pang kumpanya nito na Philips, noong Disyembre 1, 1982.