Mayorya ng mga manggagawa sa Nexperia, muling bumoto pabor sa pagwewelga
Umabot sa 1,195 manggagawa ng Nexperia Philippines Inc ang pabor sa paglulunsad ng welga sa isinagawang botohan ng Nexperia Philippines Inc Workers’ Union-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno (NPIWU-NAFLU-KMU) para rito noong Disyembre 20. Isinagawa ang botohan 10 araw mula nang upisyal na nagsampa ng “notice of strike” ang unyon sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB) Region IV-A sa Calamba, Laguna.
“Malinaw [itong] indikasyon ng ating pagkakaisa at determinasyon na ipaglaban ang ating karapatan. Ang napakataas na bilang ng mga bumoto ng “yes” ay nagpapakita ng malawak na suporta para sa posibilidad ng welga bilang tugon sa ating mga isyu,” pahayag ng NPIWU. Ang planong welga ay naunang tugon sa isang taon nang pag-antala ng kumpanya at deadlock sa negosasyon para sa bagong collective bargaining agreement (CBA).
Ngunit matapos ng pagsasampa ng pabatid, tusong tinanggal ng Nexperia ang apat na upisyal ng unyon kabilang ang pangulo nito noong Disyembre 17. Sa harap nito, panawagan ng NPIWU ang pagpapabalik sa Nexperia 4, pagsulong ng negosasyon sa CBA at pagpapatigil sa union busting o pagbuwag sa unyon.
Pahayag ng unyon, “ang ganitong pagkilos ay manipestasyon ng pagkakaisa, tapang, at pagpapahalaga ng manggagawa sa kolektibong lakas upang itaguyod ang makatarungang layunin.” Anito, kahit pa naging maiksi ang panahon ng kanilang paghahanda ay malaki ang bilang ng mga manggagawang kumilos at bumoto.
“Ito’y isang malinaw na mensahe na hindi natin basta-basta isusuko ang laban para sa ating batayang karapatan. Ang tagumpay ng ating laban ay tagumpay ng lahat ng manggagawang Pilipino,” ayon pa sa NPIWU.
Nagprotesta ngayong araw, Disyembre 23, ang mga manggagawa ng Nexperia sa harap ng pambansang upisina ng Department of Labor and Employment sa Intramuros, Manila para batikusin ang lantarang kawalang tugon ng kagawaran sa mga paglabag ng kumpanya sa karapatan ng mga manggagawa.
Ang Nexperia Philippines ay subsidyaryo ng kumpanyang Nexperia na nakabase sa The Netherlands. Nagmamanupaktura ito ng mga semiconductor sa mga pabrika nito sa Europe, Asia at US.