Internasyunal na mga organisasyon at kaibigang partido, bumati sa ika-56 anibersaryo ng PKP
Nagpaabot ng pagbati ang iba’t ibang internasyunal na mga organisasyon at mga kaibigang partido sa pagdiriwang ng ika-56 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Disyembre 26. Binati nila ang Partido sa nagpapatuloy nitong pamumuno sa rebolusyong Pilipino sa loob ng halos anim na dekada at sa gitna ng tumitinding sosyo-ekonomiko at pampulitikang krisis sa ilalim ng rehimeng US-Marcos.
“Hindi maaaring maliitin ang kahalagahan ng proletaryong pamumuno ng PKP sa kasaysayan at hinaharap ng rebolusyong Pilipino,” ayon kay Robert Reid, tagapangulo ng pandaigdigang grupo na Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS). Dagdag pa niya, pinatunayan ng Partido ang katumpakan ng pampulitikang pagsusuri nito sa lipunang Pilipino sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na rebolusyonaryong praktika.
Ayon sa Komite Sentral ng Communist Party of Australia (Marxist-Leninist), ang rebolusyonaryong pamumunong ito ng PKP ay nagtitipon sa lahat ng mga sektor ng lipunan kabilang ang mga manggagawa, magsasaka, mga katutubo, mga propesyunal na guro at manggagawang pangkalusugan, na may rebolusyonaryong pagtanaw para sa reporma sa lupa, soberanya at sosyalismo. “Sa kanayunan man o mga syudad o sa mga bayan, ang matagalang pakikibaka ng mamamayang Pilipino ay laging mabalasik,” pahayag pa ng CPA(ML).
Ibinahagi rin ng CPA (ML) na mahigpit na katuwang ng kanilang partido ang PKP sa pagkatawan sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino at Australian laban sa imperyalismo, pagtuligsa sa imperyalistang gera, at pagbubuo ng isang anti-imperyalistang nagkakaisang prente. Anito, kinakaladkad ng alyansang militar ng US at Australia at ng AUKUS, tulad ng ginagawa din sa Pilipinas, ang kanilang bansa sa pang-uupat ng gera kontra sa katunggali nitong imperyalistang China.
Mula Vietnam, ipinaabot ng “Serve the People” (Vietnam) ang kanilang pagbati sa PKP. “Ang inyong rebolusyonaryong pakikibaka ay isang magiting na halimbawa sa mga aping proletaryado at mamamayan sa buong mundo,” anang grupo. Ibinahagi nila na nagsusumikap ang kanilang organisasyon para isulong ang muling pagtatatag ng Partido Komunista sa Vietnam at pamunuan ang digmang bayan doon.
Pinagpugayan at pinarangalan ng mga organisasyong ito ang mga martir ng rebolusyong Pilipino sa nagdaang mga dekada laluna si Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Komite Sentral ng Partido. Kinilala rin nila ang kagitingan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa paglulunsad ng armadong pakikibaka sa gitna ng mabagsik na teroristang atake ng rehimeng US-Marcos.
Pagtatapos ng FFPS, “habang matapang na ipinagpapatuloy at isinusulong ng PKP, ng buong rebolusyonaryong kilusan at ng mamamayang Pilipino ang kanilang rebolusyon, patuloy kaming susuporta sa kanilang pakikibaka.” Liban sa pandaigdigang pamunuan ng FFPS, nagpaabot rin ng pagbati ang mga balangay at kasaping organisasyon mula sa North America, Europe, Asia at Oceania.