Balita

Imbestigasyon sa masaker sa 2 titser ng Lumad at iba pa sa New Bataan, itinutulak

,

Inaalam ng Partido Komunista ng Pilipnas ang mga sirkunstanya sa masaker sa dalawang guro ng mga Lumad at tatlo pa na naganap sa New Bataan. Sa pahayag noong Pebrero 26, sinabi ng partido na inatasan nito ang lokal na yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na nakasasaklaw sa bayan ng New Bataan, Davao de Oro na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay ng masaker ng mga sundalo ng 10th ID.

Ayon sa upisyal nito sa impormasyon na si Marco Valbuena, magiging bahagi ito ng kontribusyon ng yunit ng BHB para alamin ang katotohanan ng naturang masaker.

Liban pa dito, sinuportahan din ni Valbuena ang panawagan ng pamilya at mga kaibigan na kagyat na ibigay ang mga labi ng biktima sa kanila sang-ayon sa kanilang mga karapatang-tao.

“Sinusuportahan din namin ang panawagan para sa indepenyenteng imbestigasyon ng mga lokal at internasyunal na mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at iba pang interesadong grupo,” ayon kay Valbuena.

Kabilang sa mga pinaslang ng mga sundalo ang kilalang aktibsita at gradweyt ng University of the Philippines-Diliman na si Chad Booc at kapwa boluntir na guro sa mga paaralang Lumad na si Gelejurain Ngujo II habang ang tatlong iba ay kinikilala pa.

“Ipinapaabot namin ang marubdob na pakikiramay sa pamilya at mga kaibigan ng mga biktima. Kaisa kami sa inyong galit at panawagan para sa katotohanan at hustisya,” ayon kay Valbuena.

Pilit nagpapakalat ng mga maling impormasyon at kasinungalingan ang 10th ID para bigwang-katwiran ang wala pang linaw na insidente ng masaker ng mga sundalo.

“Kinukundena namin ang kampanya sa disimpormasyon ng AFP para pagtakpan ang kanilang mga krimen. Lantarang kasinungalingan ang pinakakalat nito sa pagpapahayag na ang mga biktima ay napaslang sa isang engkwentro sa pagitan ng AFP at BHB,” dagdag ni Valbuena.

Binihisan pa at nilagyan ng ammo pouch at mga baril ang tabi ng kanilang mga labi at kinuhanan ng litrato para magsilbing “patunay” ng “engkwentro.” Ipinakalat pa ito sa midya na mistulang mga tropeyo sa digma.

Nauna na nang nag-ulat ang lokal na yunit ng BHB sa Davao de Oro na walang sagupaan o engkwentrong naganap sa araw na iyon sa bayan ng New Bataan.

Ayon kay Valbuena, hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ang “engkwentro” para bigyang-katwiran ang walang-pusong pamamaslang sa mga sibilyan at hindi armadong indibidwal.

 

 

AB: Imbestigasyon sa masaker sa 2 titser ng Lumad at iba pa sa New Bataan, itinutulak