Balita

Inilulunsad na Kasangga war games sa Pilipinas, kinundena ng Bayan-Australia

,

Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Australia ang inilulunsad na Kasangga 2025-01 war games ng Philippine Army at Australian Defence Force (ADF) sa teritoryo ng Pilipinas. Upisyal itong binuksan sa isang programa sa Camp Evangelista, Barangay Patag, Cagayan de Oro City noong Mayo 19.

Hindi bababa sa 90 sundalo mula sa 1st Combat Engineer Regiment ng Australian Army at 140 sundalo ng Philippine Army ang lumalahok sa war games. Inilulunsad ang mga aktibidad militar sa Camp Kibaritan, Kalilangan, Bukidnon na tatagal hanggang Hunyo 24.

Noong 2024, inilunsad ang dalawang serye ng Kasangga war games sa Northern Luzon at Bicol. Lumahok sa mga war games na ito ang 9th at 5th ID.

“Ang pagsasanay na ito…ay hindi isang hiwalay na pangyayari kundi bahagi ng isang serye ng tuluy-tuloy na mga pakikipag-ugnayan militar na nagsisilbi sa mga estratehikong interes ng US sa rehiyon ng Indo-Pacific,” pahayag ng Bayan-Australia. Ang militar ng Australia ay sunud-sunuran sa US sa bisa ng alyansang militar na AUKUS (Australia-United Kingdom-United States).

Binuo ng US ang AUKUS para palakasin ang presensyang militar nito sa Asia-Pacific. Sang-ayon sa estratehiyang Indo-Pacific, pinalalakas ng US at ng mga alyadong bansa nito ang presensya sa Asia-Pacific para kontrahin ang lumalagong impluwensya sa militar at ekonomya ng China sa rehiyon.

Binatikos ng Bayan-Australia ang rehimeng Marcos sa pagsusunud-sunuran nito sa imperyalismong US. “Sa pagpapahintulot sa lumalaking presensya ng mga dayuhang tropa at mga pinagsamang ehersisyong militar tulad ng Kasangga, hindi ipinagtatanggol ng administrasyong Marcos ang soberanya ng Pilipinas—bagkus, ito ay kanyang ipinagkakanulo,” ayon sa grupo.

Anang grupo, ginagawang mga biktima ng digmaan ng rehimeng Marcos ang mga Pilipino para sa agresibong layunin ng US na panatilihin ang hegemonya sa Indo-Pacific. “Sa halip na magpatupad ng isang malayang patakarang panlabas na nagtataguyod ng kapayapaan at pambansang dignidad, kusang ginagampanan ng gubyernong Marcos ang tungkulin bilang katuwang ng militarismo ng US, na mas malalim na humahatak sa bansa sa gitna ng tunggalian ng mga imperyalistang kapangyarihan at inilalagay sa panganib ang buhay at kinabukasan ng mga karaniwang Pilipino,” pahayag ng grupo.

Samantala, pinuna rin ng grupo ang gubyerno ng Australia sa paglulustay nito ng pondo para sa walang katuturang mga war games at aktibidad militar sa ngalan ng US habang ang sariling mamamayan nito ay dumaranas ng matinding krisis. “Mayroong tungkulin ang mamamayang Australian na tutulan ang papel ng kanilang gobyerno sa dayuhang agresyon, labanan ang ayudang militar ng Australia sa Pilipinas, at makiisa sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa militarisasyon at imperyalistang interbensyon,” anang grupo.

Pagdidiin ng Bayan-Australia, mahalaga ang kolektibong paglaban ng mga mamamayan para hamunin ang imperyalistang adyenda na nagsasaalang-alag sa kalayaan ng sari-sariling mga bansa at kagalingan ng mga mamamayan. “Kung magsasama-sama, makakapagpanday tayo ng isang landas tungo sa tunay na kapayapaan at soberanya,” pahayag ng grupo.

AB: Inilulunsad na Kasangga war games sa Pilipinas, kinundena ng Bayan-Australia