Balita

Kainutilan ni Marcos sa harap ng bagyong Julian, binatikos ng mga magsasaka sa Ilocos Norte

,

Ipinahayag ng mga magsasaka sa Ilocos Norte ang kanilang pagbatikos sa “world-class na kainutilan at kapabayaan” ng rehimeng Marcos sa harap ng malawakang pinsalang dulot ng Bagyong Julian noong Oktubre 2. Bumabangon pa lamang ang prubinsya mula sa sunud-sunod na epekto ng El Niño at mga nakaraang sakuna, kabilang ang pagbaha mula sa Bagyong Carina at hanging habagat, na labis na nakaapekto sa sektor ng agrikultura.

Sa kasalukuyan, umabot na sa ₱87 milyon ang pinsala sa mga pananim, kasama ang karagdagang ₱385,000 na nawala sa mga alagang hayop. Mahigit 23,600 pamilya (tinatayang 86,410 indibidwal) ang nasalanta ng sakuna. Tatlo ang nasawi at isa ang nawawala. Bukod dito, 917 pamilya ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa kalamidad.

“Tiyak na malulugi na naman kami pagpasok ng anihan ng palay ngayong Oktubre,” pahayag ng Solidarity of Peasants Against Exploitation (STOP Exploitation)-Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Alyansa Dagiti Mannalon iti Ilocos Norte (AMIN). “Nasaan na ang 5,500 flood control project na ipinagmayabang (ni Marcos) sa kanyang SONA?”

“Ang nakikita namin ay isang matagal nang kawalang kahandaan para sa mga sakuna at kakulangan ng suporta para sa mga magsasaka,” anila.

Nanawagan sila para sa agaran at angkop na tulong mula sa rehimen at sa Department of Agriculture (DA). Anila, dapat ibigay ng gubyerno ang makatwirang kumpensasyon sa nasira nilang pananim katumbas ng naging gastos nila sa produksyon.

Iginigiit nila ang ₱25,000 production subsidy sa mga magsasaka, ₱15,000 subsidy para sa mga mangingisda, at ₱10,000 tulong pampinansya para sa mga naapektuhan ng bagyo at mga pagbaha.

Sa paglapit ng eleksyon sa 2025, binalaan ng STOP Exploitation at AMIN na pananagutin ng mga botante ang mga upisyal ng gubyerno sa kanilang mga pagkukulang. Hinamon nila ang mga kandidato na unahin ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda kaysa sa personal na interes.

“Itatakwil ng mamamayan ang mga katulad ni Marcos Jr at mga alipures nito. Hinahamon namin ang mga nagnanais na kumandidato at maluklok sa puwesto—tugunan at unahin ninyo ang interes at kagalingan ng masang magsasaka, mangingisda, at mamamayan at hindi ang sariling bulsa at interes ng iilan!”

AB: Kainutilan ni Marcos sa harap ng bagyong Julian, binatikos ng mga magsasaka sa Ilocos Norte