Grupong Kontra Daya, naglunsad ng asembleya bilang paghahanda sa eleksyong 2025
Nagsagawa ang grupong Kontra Daya ng isang asembliya sa Intramuros, Manila noong Setyembre 30 bilang paghahanda sa eleksyong 2025. Layunin ng grupo ang ikampanya ang isang malinis, mapayapa at demokratikong eleksyon sa harap ng umiiral na marumi, marahas at kontrolado ng iilan na sistema ng eleksyon at pandaraya sa de-makinang pagboto.
Ayon sa manipesto ng grupo, “kinikilala [ng Kontra Daya] ang tungkulin [nitong] ilantad at hamunin ang kasalukuyang korap na sistema ng eleksyon.” Ayon sa manipesto, wala nang tiwala ang mamamayan sa eleksyon dahil batbat ito ng korapsyon, karahasan at panloloko.
Naniniwala ang grupo na isang batayang karapatang-tao ang pagboto at dapat pinakikinggan ang boses ng mamammayan sa prosesong ito. “Naniniwala kami na ang eleksyon ay dapat malaya sa korapsyon, manipulasyon, at pamimilit, at dapat ang bawat boto ay tiyak at tamang binibilang.”
Ayon sa Kontra Daya, ang kolektibong pagkilos ng mga Pilipino ay maaaring magbunga sa makabuluhang pagbabago. Kaugnay nito, itinutulak ng grupo ang pagbuwag sa kasalukuyang automated election system at ihalili dito ang isang hybrid na sistema para mabantayan ang boto.
Sa asembliya, binigyang pagkilala ng Kontra Daya ang tagapagtatag nito na si Fr. Joe Dizon. Si Fr. Dizon ay binansagang “pari ng sambayanan” dahil sa kanyang dedikasyon at pagtataguyod sa hustisyang panlipunan katulad ng Kontra Daya.
Nagbahagi rin si Comelec Commissioner Nelson Celis sa pagtitipon ng paghahanda ng ahensya sa darating na eleksyong midterm. Tinalakay niya ang mga alituntunin ng Comelec sa social media laban sa disimpormasyon.
Matapos ang asembliya, nagmartsa ang grupo sa upisina ng Comelec sa Intramuros dala ang manipesto na pinirmahan ng iba’t ibang mga organisasyon.
“Nananawagan kami na suportahan ang mga organisasyon at inisyatiba na kumikilos para reporma sa eleksyon, makiisa sa mapayapang mga protesta, rali at kampanya sa adbokasiya para igiit ang mas maayos na sistema ng eleksyon, at papanagutin ang mga lider at institusyon,” saad ng manipesto.