Koalisyong Makabayan, handa na para sumagupa sa eleksyong 2025
Halos napuno ng higit 3,000 mga tagasuporta at kasapi ng Koalisyong Makabayan at mga partido sa ilalim nito ang San Andres Sports Complex sa Maynila noong Setyembre 28 sa inilunsad na pambansang kumbensyon ng koalisyon. Pormal na inianunsyo ng Makabayan sa pagtitipon ang plataporma nito, mga kandidato pagkasenador at mga nominado ng mga partidong tatakbo sa eleksyong party-list sa ilalim nito.
Binuksan ang pagtitipon ni Ka Paeng Mariano, lider-magsasaka at isa sa mga tagapangulo ng koalisyon. Sa kanyang talumpati, ang kampanya ng Makabayan sa eleksyong 2025 ay iinog sa pagtataguyod ng pakikibaka para sa pambansang demokrasya para sa kagyat na ginhawa ng taumbayan at kasarinlan ng bansa.
Magsisikap umano ang lahat ng balangay at kasapi ng Makabayan sa buong bansa, batid ang reyalidad na ang halalan ay dominado ng mga pampulitikang dinastiya at tradisyunal na pulitiko na kumakatawan sa interes ng mga oligarkiya, panginoong maylupa, at mga dayuhang mandarambong.
Aniya, panahon na ngayon para karaniwang mamamayan naman ang iluklok sa senado at kongreso. Dahil dito, iinog ang kanilang kampanya sa panawagang “Taumbayan sa Senado.”
Magpapatakbo ang koalisyon ng 11 kandidato pagkasenador at apat na mga progresibong party-list na kumakatawan sa kababaihan, guro, mga kabataan at iba pang mga demokratikong sektor.
Ang mga kandidato ng koalisyon sa pagkasenador ay kinabibilangan nina:
1. Teacher France Castro, kinatawan ng ACT Teachers Partylist
2. Arlene Brosas, kinatawan ng Gabriela Women’s Party
3. Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU (Kilusang Mayo Uno)
4. Liza Maza, co-chairperson ng Makabayan
5. Ronnel Arambulo, vice chairman ng Pamalakaya (Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas)
6. Teddy Casiño, chairperson ng Bayan (Bagong Alyanang Makabayan)
7. Danilo Ramos (Ka Daning), tagapangulo ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas)
8. Nurse Jocelyn Andamo, pangkalahatang kalihim ng Filipino Nurses United (FNU)
9. Mody Floranda, chairperson ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide)
10. Mimi Doringo, pangkalahatang kalihim ng Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirapn)
11. Amirah Lidasan, isang Moro at lider ng Sandugo-Movement of Moro and Indigenous Peoples for Self Determination
Sa pagtitipon, nagbigay ng mensahe ng pakikiisa ang kandidato pagkasenador na si Francis “Kiko” Pangilinan.
Inianunsyo rin ng koalisyon ang mga nominado ng mga party-list sa ilalim nito. Pangungunahan ni Atty. Neri Colmenares ang Bayan Muna Party-list, ni dating kinatawan Rep. Sarah Elago ang Gabriela Women’s Party, Antonio Tinio ang ACT Teachers Party-list at Atty. Rene Co ang Kabataan Party-list.
Pormal na sinarhan nina Ka Satur Ocampo, isa sa mga haligi ng koalisyon at tumatayong president emeritus nito, at Rep. Raoul Manuel, isa sa mga bagong halal na tagapangulo ng Makabayan ang kumbensyon.
Ayon kay Rep. Manuel, hindi madali ang laban na papasukin ng koalisyon dahil nariyan ang National Task Force-Elcac na mangangampanya laban sa mga kandidato na nagtataguyod sa mga panawagan ng taumbayan at bumabangga sa mga malalaking pangalan at dinastiya ng naghaharing mga paksyon ng mga Marcos at Duterte.
“Pero umuurong ba tayo sa mga laban dahil lang mahirap?” tanong niya sa mga dumalo sa kumbensyon. Dagdag pa niya, hindi dapat hayaan na masanay ang ating mga kababayan, kabilang ang inyong mga anak at apo, sa bulok na pulitika.
Ayon naman kay Ka Satur, mahalagang panghawakan ang panawagang “Mangahas makibaka, mangahas magtagumpay!” para harapin ang hamon ng eleksyong 2025. Idiniin pa niya na mahalagang pagkaisahin ang boses ng karanasan, na pumapatungkol sa kanilang mga beteranong aktibista, at boses ng kabataan, na pumapatungkol kay Rep. Manuel.
Sa loob ng isang dekada mula nang itatag ang Koalisyong Makabayan noong Abril 16, 2009, ito ang kauna-unahang pagkakataon na magpapatakbo ang koalisyon ng halos buong slate sa Senado. Magpapatakbo rin ang Makabayan sa mga lokal na pusisyon sa barangay, munisipyo at iba pa.
“Sa eleksyon sa 2025—at pagkatapos nyan—kapag sisidhi ang krisis pang-ekonomya sa bansa habang lalong titindi ang bakbakan ng mga political dynasty, hindi na tayo uurong pa. Kung kailangang magpatakbo sa mas marami pang pusisyon mula lokal hanggang pambansa—mula barangay at SK hanggang sa posisyon ng bise presidente at presidente, paghahandaan natin iyan,” ayon kay Rep. Manuel.
Dagdag naman ni Ka Paeng, “ang ating kampanya ay hindi magtatapos sa pangangalap ng boto para sa ating mga Senador at Party-list; ito ay isang malawak na kilusan at kampanyang masa, kung saan itataguyod ang pambansa-demokratikong adhikain ng masang anakpawis higit pa sa panahon ng kampanyang elektoral.”