Balita

"Kasangga" war games ng Australia at Pilipinas, binatikos

,

Kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pagsisimula noong Mayo 19, ng Kasangga 2025-01 war games ng mga sundalo ng Pilipinas at Australia. Upisyal itong binuksan sa isang programa sa Camp Evangelista, Barangay Patag, Cagayan de Oro City.

Hindi bababa sa 90 sundalo mula sa 1st Combat Engineer Regiment ng Australian Army at 140 sundalo ng Philippine Army ang lumalahok sa war games. Inilulunsad ang mga aktibidad militar sa Camp Kibaritan, Kalilangan, Bukidnon na tatagal hanggang Hunyo 24.

Ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, ang isinasagawang war games ay “dapat kundenahin dahil tahasan itong pagyurak sa kasarinlan ng bansa at paglapastangan sa prinsipyo sa patakarang panlabas na nagtatakwil sa gera.”

Ani Valbuena, isinasagawa ang war games kasama ang mga dayuhang tropang Australian alinsunod sa Indo-Pacific Strategy ng imperyalistang US. Ang militar ng Australia ay sunud-sunuran sa US. Ang bansa ay kabilang sa alyansang militar na AUKUS (Australia-United Kingdom-United States) na binuo ng US para palakasin ang presensyang militar nito sa Asia-Pacific.

Sang-ayon sa estratehiya, pinalalakas ng US at ng mga alyadong bansa nito ang presensya sa Asia-Pacific para kontrahin ang lumalagong impluwensya sa militar at ekonomya ng China sa rehiyon. “Ginagamit nito ang Pilipinas para painitin ang tensyong militar sa rehiyon, na nagpapataas naman ng posibilidad na makaladkad ang bansa sa gerang inuupatan ng US kontra sa China,” ayon kay Valbuena.

Dagdag niya, wala pa mang nagaganap na gera perwisyo na ang idinudulot ng mga war games sa mamamayang Pilipino. Ginagambala ng mga war games na ito ang kapayapaan at katahimikan sa mga komunidad laluna sa kanayunan. Gayundin, negatibo ang epekto nito sa kanilang araw-araw na kabuhayan at maging sa kalikasan laluna sa panahong aktwal na nagpapasabog ng mga bomba.

Ang Kasangga war games ay isinagawa ilang linggo lamang matapos ang malakihang Balikatan 2025-40 war games na inilunsad noong Abril 21 hanggang Mayo 9. Libu-libong tropa ng US, Autralia, Japan at Pilipinas ang lumahok. Nakatakda ding ilunsad ang Salaknib 2025 Phase 2 sa huling mga linggo ng Mayo kung saan libu-libong tropang Amerikano ang lalahok.

“Isinusubo nito sa panganib ang mamamayang Pilipino kapalit ng nakukuhang pabor ng rehimeng Marcos sa mga dayuhang amo. Ang patuloy na pagkatali ng Pilipinas sa imperyalismong US sa usaping militar, ekonomya, pulitika, kultura at ugnayang panlabas ay tahasang pagyurak sa kalayaan ng Pilipinas,” ayon pa kay Valbuena.

AB: "Kasangga" war games ng Australia at Pilipinas, binatikos