Balita

Kasong "terrorism financing" laban sa NGO worker sa Leyte, ibinasura

Ibinasura ng prosekyutor ng Leyte ang kasong “terrorism financing” na isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 8 laban kay Jazmin Jerusalem at kanyang mga kasamang sina Fena Joyce Moscare and Mary Grace Laureno. Si Jerusalem ay executive director ng Leyte Center for Development Inc (LCDe), isang development NGO na 36 nang nag-ooperasyon. Sina Moscare at Laureno ay istap nito. May petsang Disyembre 19, 2014 ang resolusyon ng prosekusyon pero noong Enero 28 lamang ito isinapubliko.

Isinampa kay Jerusalem ang kasong “terrorism financing” sa gawa-gawang akusasyong ginagamit LCDe bilang “prente para tumanggap ng pondo” mula sa dayuhang mga institusyon para sa mga myembro ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. Ginamit ng CIDG-8 ang kunwa’y testimonya ng mga dating “rebelde” na ngayon ay mga ahente na ng estado tulad nina Alma Gabin, Margie de la Cruz at isa pa.

Ayon sa prosekusyon, hindi sapat at walang batayana ng kasong isinampa laban sa mga akusado. Ang mga testimonyang isinumite sa upisina nito ay di suportado ng kongkretong ebidensya na magpapatotoo sa ugnay ng mga upisyal ng LCDE sa kunwa’y inabutan nila ng pondo. Gayundin, walang ebidensya na may direktang kinalaman at kontak ang mga dating rebelde kay Jerusalem at kanyang istap.

Binati ng Karapatan ang pagbabasura ng kaso.

“Makabuluhan ang desisyon ng Leyte City Prosecutor, laluna sa harap ng paggamit ng gubyernong Marcos Jr, sa pamamagitan ng NTF-Elcac, ng mga kunwa’y rebel returnee para gumawa ng mga affidavit na nakabatay sa mga kasinungalingan at gawa-gawang kwento kapalit ng salapi at mga proyektong pangkabuhayan,” pahayag ni Cristina Palabay, secretary general ng Karapatan. Ang mga kasinungalingan ng mga kunwa’y rebel returnee ay di dapat binibigyan ng anumang halaga, ng mga prosekyutor at korte, aniya.

“Ang pagbabasura ng kaso laban kay Jerusalem ay naayon sa aming pananaw na ang gayong mga aksyong ligal ay batay sa manipis at pekeng ebidensya,” aniya. Isinasampa ang mga ito para gipitin ang mga organisasyong tulad ng LCDe at idiskaril ang kanilang mga maka-mamamayang aktibidad, aniya.

Sa Kongreso, hinimok ni Gabriela Rep. Arlene Brosas ang estado na itigil na ang mga crackdown sa mga NGO na inaakusahan nitong kaugnay sa kilusang komunista. Tinawag niyang tagumpay ang pagbabasura sa kaso laban may Jerusalem laban sa malisyosong Red-tagging ng makataong mga organisasyon at mga myembro nito.

“Ang pagbabasura ng walang batayang kasong ito ay nagpapatunay sa sinasabi namin noon pa, na ang mga kaso sa terrorism financing ay walang iba kundi ang desperadong tangka para gipitin at takutin ang mga… nagsisilbi sa pinakabulnerableng mga komunidad,” pahayag ni Brosas.

AB: Kasong "terrorism financing" laban sa NGO worker sa Leyte, ibinasura