Balita

Pagtatanggal ng Pilipinas sa "grey list" ng FATF, bunga ng pagsagasa sa mga karapatang-tao

Tinawag na isang “hungkag na tagumpay” ng isang grupo ng mga abugado ang pagkakatanggal sa Pilipinas sa listahan ng Financial Action Task Force (FATF) sa mga bansa kung saan lipana ang money laundering at kunwa’y “terrorism financing.” Ayon sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), hindi tagumpay ng mamamayang Pilipino ang pagkakatanggal ng naturang listahan, at “konsesyon” lamang ito sa isang di makatarungang kaayusang internasyunal.

Ang FATF ay isang organisasyon na binuo ng mga imperyalistang bansa sa G7 para kunwa’y labanan ng money laundering, terrorism financing at iba pang “banta sa pandaigdigang sistema ng pinansya.”

“Ang diumanong nakamit na ito ay nakatuntong sa pampulitikang pangigipit,” ayon sa mga abugado. Hindi kinilala ng FATF nag paggamit ng estado ng Pilipinas sa mga batas kontra-terorismo para busalan ang mga lumalaban at ituring na kriminal ang mga organisasyong sibiko at makatao.

Tinukoy ng mga abugado na ang biglang pagsasampa ng maraming gawa-gawang kaso ng “terrorism financing” na sumagasa sa mga karapatang-tao ay sadyang ginawa para makamit ang rekisito para matanggal sa listahan, at hindi isang “di sinadyang kinalabasan” tulad ng sinasabi ng rehimeng Marcos.

Habang agresibo nitong ginipit ang mga organisasyong tumutulong sa mamamayan, palpak ang rehimen sa pag-apula sa malawakang korapsyon, iligal na daloy ng pera papasok at palabas ng bansa at money laundering ng bilyun-bilyong peso sa pamamagitan ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO, ayon sa NUPL.

Ayon pa sa mga abugado, nakita nila kung paanong ang paghahabol ng Pilipinas sa mga rekisito ng FATF ay nagresulta sa pag-uk-ok sa pundamental na mga karapatan sa bansa.

Hanggang tumatanggi ang FATF na makipag-ugnayan sa civil society (mga organisasyong di-gubyerno), patuloy silang magiging sangkalan sa panggigipit ng estado sa ngalan ng “financial integrity,” anila. Hinamon nila ang institusyon na panagutan ang papel ng mga kunwa’y mga “pamantayan” nito sa pinsalang idinulot sa mga karapatang-tao sa bansa.

Sa ulat ngayong buwan ng NUPL, katuwang ang Council of People’s Development and Governance, na 62% ng mga tauhan ng 126 organisasyong makatao at sibiko ay nag-ulat na na-redtag noong nakaraang taon, 57% sa kanila ang ipinailalim sa pisikal na sarbeylans at 17% ay nahaharap sa kasong “terrorism financing” bilang anyo ng panggigipit at pananakot ng estado. Batid nilang ginagawa ito para pwersahan silang patigilin sa kanilang gawaing pangkawang-gawa.

AB: Pagtatanggal ng Pilipinas sa "grey list" ng FATF, bunga ng pagsagasa sa mga karapatang-tao