Koalisyong Makabayan, magpapatakbo ng 12 senador

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Tinawag na “Oposisyon ng Bayan,” inanunsyo kahapon, Hulyo 10, ng Koalisyong Makabayan ang plano nitong magpatakbo ng 12 kandidtao pagkasenador sa halalang 2025.

“Sa mahalagang labanan sa halalang 2025, nakahanda po ang Makabayan na magpatakbo ng hindi lamang isa, o dalawang senador kundi buong slate ng mga makabayan at progresibong kandidato na magtataguyod ng komprehensibong programang pambansa-demokratiko na tutugon sa hangarin ng sambayanang Pilipino para sa pag-unlad para sa nakararami, respeto sa karapatan, at ganap na pambansang soberanya,” deklara ng koalisyon.

Paliwanag ng Makabayan, walang pakialam sa dinaranas ng mamamayan ang nagbabangayang mga paksyon ng naghaharing uri. “Kung tutuusin, pare-pareho lang ang mga Marcos at Duterte, pansariling interes lamang ang habol,” anito.

Tinatanggap ng Makabayan ang hamon na katawanin ang interes ng ordinaryong mamamayan sa Senado.

“Sa panahong kailangang kailangan ng mamamayan ang tunay na Oposisyon na maghahain ng tunay na alternatibo tungo sa pagbabago, handa kami na humarap sa bayan para tanganan ang papel na ito,” pahayag ng Makabayan. “Ang Oposisyon ng bayan na kailangan ngayon ay hindi lamang sa usapin ng pagtunggali sa nakaupong administrasyon kundi oposisyon sa umiiral na sistemang pinaghaharian ng at pinakikinabangan ng lilang dinastiyang pulitikal, malalaking negosyante, panginoong maylupa at mga imperyalista.”

Kasalukuyan nang binubuo ng Makabayan ang slate na ito ng mga “hindi korap, at hindi tagapagtanggol ng iilan.”

“Hindi sila mula sa angkan ng mga mayayaman o mga dinastiya sa pulitika,” ayon sa koalisyon. Manggagaling sila sa mga sektor na matagal nang tinanggalan ng boses sa Kongreso.

“Handa kaming makipagtulungan sa mga indibidwal na kandidatong nakikiisa sa mga isyu ng reporma sa lupa, dagdag sahod, pambansang industriyalisasyon, pagtaguyog ng pambansang soberanya, pagdepensa sa karapatang-tao, paglaban sa korapsyon at pagsusulong ng usapang pangkapayapaan,” anito.

Una nang inanunsyo ni Rep. France Castro noong Hunyo 26 ang pagtakbo niya sa Senado sa ilalim ng Makabayan. “Tinatanggap ko ang hamon ng mga kapwa ko guro,” aniya. “Teacher naman sa Senado!” ang panawagan ng mga guro sa kanilang hanay at sa mamamayan.

AB: Koalisyong Makabayan, magpapatakbo ng 12 senador