Balita

Pilipino-Amerikanong aktibistang lumahok sa protesta sa West Bank, nasugatan sa pamamaril ng pwersang Israeli

,

Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA ang walang habas na pamamaril ng mga pwersang militar ng Zionistang Israel laban sa mga nagprotesta sa Beita, West Bank sa okupadong lupain ng Palestine noong Agosto 9 kung saan nasugatan ang isang Pilipino-Amerikano. Nabaril sa kanang hita si Amado Sison, isang matagal nang aktibista, na nasa Beita para kumuha ng mga bidyo.

“Mayroong demonstrasyon at naroon kami para kumuha ng mga bidyo, para tiyakin na may nagmamatyag sa mga pwersang mananakop ng Israel,” pahayag ni Sison sa panayam sa Agence France-Presse habang nasa Rafidia Hospital sa Nablus, West Bank. Pagbabahagi pa niya, tumakbo sila nang buwagin ang protesta at doon siya binaril sa hita. Gumamit rin umano ng tear gas ang mga pwersa ng Israel.

Ang pagsalakay sa protesta ay kasunod ng walang-tigil na pag-atake ng Zionistang Israel, sa suporta ng imperyalismong US, sa mga Palestino sa Gaza Strip at okupadong teritoryo sa West Bank. Sa pinakahuling tala noong Agosto 12, hindi bababa sa 622 katao ang pinaslang sa West Bank habang 5,400 ang nasugatan mula nang pinatindi ng Israel ang pag-atake noong Oktubre 7, 2023. Sa Gaza, umabot na sa 39,897 Palestino ang pinatay at 92,152 ang nasugatan sa parehong panahon.

“Nananawagan kami sa lahat ng mamamayan, laluna sa mga Pilipino, humalaw tayo ng lakas mula sa internasyunalistang katapangan ni Amado at mula sa hindi natitinag na hangarin ng mamamayang Palestino na lumaya,” pahayag ng Bayan-USA. Pagdidiin pa ng grupo, magkadugtong na magkadugtong ang pakikibaka ng mga Pilipino at Palestino para sa pambansang pagpapalaya laban sa makinang panggera at pananakop ng imperyalistang US.

Katulad sa nakaraan, minaliit ng mga upisyal ng Zionistang estado ng Israel ang insidente at tinawag itong “aksidente” para takasan ang krimen at pananagutan.

Nanawagan ng hustisya ang Bayan-USA at iba pang demokratikong mga organisasyon sa pamamaril kay Sison at pag-atake sa mga Palestino. Kasalukuyan nang nasa maayos at ligtas na kundisyon ang Pilipino-Amerikanong aktibista.

Hindi na bago ang paglahok sa mga demonstrasyon at pagkilos ng dayuhang mga aktibista sa West Bank para suportahan ang pakikibaka ng mamamayang Palestino. Binabatikos nila ang pananakop at pang-aagaw ng Zionistang Israel sa mga lupain ng Palestino.

Sinakop ng mga Zionista ang West Bank noong 1967 at nagtayo rito ng iligal na mga tirahan. Hindi bababa sa 3 milyong Palestino ang nakatira sa napakahigpit at malupit na tinaguriang “open-air prison” na West Bank. “Nakatira” rito kasama nila ang 490,000 setler na mga Israeli.

AB: Pilipino-Amerikanong aktibistang lumahok sa protesta sa West Bank, nasugatan sa pamamaril ng pwersang Israeli