Libu-libo, nagprotesta sa South Korea laban sa nakatakdang pang-nukleyar na war games ng US at South Korea
Tinututulan ng mga grupong maka-kapayapaan sa Republic of Korea (ROK o South Korea) ang Ulchi Freedom Shield (UFS) 2024 na nakatakdang ilunsad sa bansa mula Agosto 19 hanggang 29. Ang war games na ito ay taunang inilulunsad ng US sa ROK, pero para ngayong taon ay ilalakip dito ang kauna-unahang drill kung saan isasagawa ang tugon ng ROK sa panahon ng atakeng nukleyar ng Democratic People’s Republic of Korea (DPRK o North Korea).
Libu-libo ang nagrali sa Seoul, kabisera ng ROK, noong Agosto 10 para tutulan ang naturang war games at ipanawagan ang pagbabasura ng alyansang militar ng US, Japan at South Korea. Ipinanawagan rin nila ang pagbibitiws ni Presidente Yoon Seok Yeol. Nilahukan ang protesta ng mga unyon ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, estudyante at iba pa.
“Batid ng organisadong masa ng Korea ang banta ng imperyalismong US sa aming inang bayan,” pahayag ng Nodutdol, grupo ng mga migranteng Koreano na nakabase sa US, na nagbalita sa naturang pagkilos. Bagamat balita sa ROK ang napipintong war games, walang anumang pahayagan ang nagbalita sa mga protesta laban dito.
Inanunsyo ng US at ROK ang naturang plano kahapon, Agosto 12, sa isang press conference na dinaluhan ng Joint Chief of Staff ng ROK at ng South Korea-US Combined Forces Command. Magkakaroon ng 2 yugto ang UFS ngayong taon, anila. Ang una ay mula Agosto 26 hanggang 29 na isasagawa ng dalawang hukbong pangkatihan lamang. Ang pangalawang yugto ay isaasagawa kasama ang Air Force, Army at Navy. Sa Agosto 22, isasagawa ang “defense evacuation drill” sa pambansang antas.
Lalahok sa UFS ang 19,000 tropang South Korean. Walang binanggit kung ilang tropang Amerikano ang masasangkot. Sa kasalukuyan, di bababa sa 28,500 tropa ng US ang permanenteng nakabase sa mga kampo nito sa ROK.
Ayon sa mga grupong maka-kapayapaan, lalong pinaiinit ng war games na ito ang mga tensyon sa Korean peninsula. Malaon na nilang binabatikos ang US sa panunulsol nito ng gera sa pagitan ng dalawang Korea, gayundin sa kanugnog nitong bansang China. Mula nakaraang taon, halata ang pagtatayo ng US ng alyansang militar sa pagitan nito, Japan at ROK, na tinagurian ng DPRK bilang “Asian NATO.”
Noong Agosto 10, nagsagawa ng pagkilos ang mga Koreano na nasa US laban sa planong war games. Pinangunahan ito ng Nodutdol for Korean Community Development, na una nang naglunsad ng kampanyang “US Out of Korea Now.”
Naglunsad rin ng katulad na kampanya ang grupong Peace Treaty Now (PTN). Kumuha sila ng mga larawan ng kanilang mga myembro at kaalyado na may hawak na mga papel kung saan nakasulat ang “Stop US-ROK Nuke War Drills! US out of Korea” Yes to Peace, No to US-ROK Nuke War Drills!” at “Dismantle the US-South Korea-Japan military alliance!” Pinadala nila ang mga litrato sa parlamento ng ROK noong Agosto 10.
Ang PTN ay isang network ng 50 grupong Korean sa US, Canada at Europe.