Balita

Koordinadong online na atake sa mga kaanak ng biktima sa gera sa droga, pinaiimbestigahan

Pormal na nagsumite ng kahilingan para sa imbestigasyon ang apat na kamag-anak ng mga biktima ng gera sa droga ng rehimeng Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) laban sa koordinadong kampanyang online na pambabastos na nakatuon sa kanila. Nagtungo sila sa upisina ng NBI kasama ang kanilang abugado na si Atty. Maria Kristina Conti, pangkalahatang kalihim ng National Union of Peoples’ Lawyers-National Capital Region (NUPL-NCR), noong Abril 4.

Ayon sa NUPL, ang mga pag-atakeng online na pangunahing kumakalat sa Facebook ay kinabibilangan ng mga dinuktor na larawan, gawa-gawang kwento, pambabastos sa kababaihan, at malinaw na pagpapakalat ng maling impormasyon. Naniniwala ang grupo na ang lahat ng ito ay idinisenyo upang siraan nang loob ang mga pamilya ng mga biktima at ang kanilang abugado.

Napansin ng NUPL na tumindi ang mga pag-atakeng ito matapos maglabas ang International Criminal Court (ICC) ng mandamyento de aresto laban kay Rodrigo Duterte. Si Duterte ngayon ay nakakulong sa detensyon ng ICC sa The Hague, Netherlands at kumahaharap sa kasong krimen sa sangkatauhan ng pagpatay. Kaugnay ito ng kanyang pagpapatupad sa gera sa droga.

Dagdag pa ng NUPL, ang pambabastos ay sumasalamin sa lumalakas na loob ng mga pinaka-agresibong tagasuporta ni Duterte dahil sa kawalang pananagutan at pagpapalaganap ng takot at pagbali sa katotohanan. Anito, sa pagpapalabas ng kampo ni Duterte na ang pag-aresto sa kanya ay simpleng panunugis at pagturing sa mga nakaligtas sa gera sa droga bilang target, pinapatay na kaagad ng kanyang kampo ang pananagutan bago pa man ito makaugat.

Sa harap nito, nanindigan ang NUPL at ang mga biktima na hindi sila mapatatahimik. Patuloy umano silang lalaban at titindig gamit ang katotohanan at kasama ang lumalawak na kilusan para sa hustisya. “Nakatulong kami sa paghawan ng landas sa pagkaaresto ni Duterte. Hindi kami titigil hanggang hindi natatapos ang hustisya,” ayon sa NUPL.

Nanawagan ang NUPL at mga kaanak ng biktima sa mga grupo sa karapatang-tao na tumindig kasama nila at ilantad at iulat ang pang-aabusong online. “Magsalita at maging mapagbantay,” anang grupo.

Ang nasasakdal na si Rodrigo Duterte ay inaasahang muling haharap sa Pre-Trial Chamber 1 ng ICC sa Setyembre 23 para sa pagkumpirma ng mga kaso laban sa kanya.

AB: Koordinadong online na atake sa mga kaanak ng biktima sa gera sa droga, pinaiimbestigahan