Kumander ng 1001st IBde, nasangkot sa kaso ng pagpatay

Nanawagan ang grupong Gabriela kahapon, Enero 2, para sa patas na imbestigasyon sa pagpatay kay Yvonne Plaza-Chua, isang 38-taong gulang na negosyante, matapos isinangkot sa kanyang kaso si Brig. Gen. Jesus Durante III. Binaril at pinatay si Chua ng dalawang lalaki sa harap ng kanyang bahay sa Tugbok District, Davao City noong Disyembre 28. Si Durante ang kasalukuyang kumander ng 1001st Brigade na nakabase sa Davao de Oro at dating hepe ng Presidential Security Group ng dating presidente na si Rodrigo Duterte.

Ilang araw bago siya patayin, lumutang ang lumang mga kwento at larawan ni Chua sa social media kung saan makikita ang mga pasa sa kanyang mukha at katawan. Nakalagay sa post niya na ang gumawa nito sa kanya ay ang isang Jes Durante. Sa kanyang mga post, humingi ng tulong si Chua laban sa pang-aabuso at pambubugbog sa kanya.

Kinumpirma ni Durante na siya nga ang tinutukoy ni Chua at nagpalusot na nagkaroon na sila ng usapan noon at kunwa’y “humingi ng patawad” sa kanya ang negosyante. Binura (delete) rin ni Chua ang mga post na iyun matapos ang “pag-uusap” nila ng heneral.

Sa harap nito, nanawagan ang Gabriela na bigyan-proteksyon ang mga kapamilya ni Chua, na anito’y nagsasapubliko ng mga ebidensya laban sa pinagsususpetsahan nilang salarin. Nangangamba ang grupo na magkaroon ng “whitewash” ang imbestigasyon, lalupa’t mataas na upisyal-militar ang sangkot dito.

“Bukas ang pinto ng Gabriela sa pamilya at mga kaibigan ni Ms. Chua kung nais nilang idulog ang kaso nito,” pahayag ng pangkalahatang kalihim ng grupo na si Clarice Palce. “Kailangan ang mabusisi at patas na imbestigasyon sa kaso lalo na’t isang mataas na upisyal ng gobyerno ang nasasangkot.”

AB: Kumander ng 1001st IBde, nasangkot sa kaso ng pagpatay