Balita

Maggugulay sa Benguet, tinutulan ang ismagling at importasyon ng gulay

, ,

Hindi bababa sa 250 maggugulay sa Benguet ang nakiisa noong Pebrero 14 sa inilunsad na karaban na bumagtas sa mayor na mga kalsada ng La Trinidad, Benguet upang tutulan ang walang sagkang importasyon at pagpuslit ng mga gulay at iba pang produktong pang-agrikultura mula sa China.

Anila, ang pagbaha ng mga imported na gulay gaya ng karots sa mga palengke ay may malaking epekto sa mga magsasaka at sa lokal na produksyon ng gulay. Hindi narendahan ang pagdagsa ng mga ito sa kabila ng isinasagawang imbestigasyon ng Senado.

Ayon sa mga maggugulay, mas talamak ngayon ang ismagling, di tulad ng dati na itinatago ang pagpasok ng kontrabandong gulay.

Reklamo pa ng mga asosasyon sa La Trinidad Vegetable Trading Area, hindi sapat ang aksyon ng gubyerno na limitado at ningas-kugon para pigilan ang iligal na pag-aangkat. Noong nakaraang taon pa nagreklamo ang 11 pederasyon ng maggugulay sa Benguet kaugnay dito. Daing nila, paano naipasok ang mga produkto kung matagal na itong tinututulan ng mga magsasaka?

Pahayag ni Rudy Bulawan, pangulo ng Benguet Vegetable Truckers and Traders Association, hindi kinakaya ng mga magsasaka na makipagkumpitensya sa mga murang presyo ng inismagel na gulay, lalu na’t wala namang ayuda mula sa gubyerno.

Nagtapos ang karaban sa pagpirma ng “unity statement” ng mga maggugulay at traders kontra sa ismagling at importasyon ng mga gulay.

Nauna nang kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pag-angkat ng mga imported na gulay at pagpapahintulot ng gubyerno sa pagbaha nito sa mga pamilihan. Ayon kay Rafael Mariano, unang nominado ng Anakpawis Partylist, dapat maging mapagbantay at dapat mas maging mahigpit ang gubyerno sa ismagling ng mga produktong agrikultural.

Umabot sa ₱1 bilyon ang halaga ng produktong pang-agrikultura na iligal na ipinuslit sa bansa mula Mayo hanggang Nobyembre noong nakaraang taon. Batay sa ulat ng upisina ni Sen. Tito Sotto, umabot sa 25 operasyon ng ismagling ng karne, mamahaling gulay, bawang, sibuyas, asukal, salmon at tuna, karots, luya at iba pang gulay at prutas. Maging mga strawberry ay iligal ding inaangkat mula sa South Korea.

AB: Maggugulay sa Benguet, tinutulan ang ismagling at importasyon ng gulay