Magsasaka, pinatay ng militar sa harap ng asawa’t anak

,

Pinaslang ng tropa ng 62nd IB ang magsasakang si Victor Baldonado sa kanyang bahay sa Sityo Columbia, Brgy Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental noong Nobyembre 21, ala-6 ng umaga. Binaril siya ng mga sundalo sa harap ng kanyang asawa at mga anak.

Pinalalabas ng 62nd IB na isang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) si Baldonado na napatay sa isang armadong engkwentro. Pagsisinungaling pa nila, pumunta sila sa lugar batay sa “tip” ng mga residente.

Binihisan pa ng mga sundalo ang biktima at ibinalandra ang katawan katabi ng mga armas at mga dokumento para bigyang katwiran ang krimen.

Kinundena ng BHB-Central Negros ang walang-awang pagpaslang ng militar kay Baldonado. Inilinaw ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng lokal na yunit hukbong bayan, “walang naganap na engkwentro at hindi siya kasapi ng hukbong bayan.” Dagdag pa ni Ka JB, biktima si Baldonado ng panunugis ng militar simula pa 2017 at walang pakundangang red-tagging.

Ipinagmalaki ni MGen Arevalo ng 3rd ID ang pagpaslang sa magsasakang si Baldonado at sinabing kapugay-pugay ang tuluy-tuloy na tagumpay ng militar laban sa BHB sa isla ng Negros.

Kabilang ang isla ng Negros sa binuhusan ng dagdag na pwersang militar at pulis simula Nobyembre 22, 2018 nang pirmahan ng dating rehimeng Duterte ang Memorandum Order No. 32. Ipinaililm sa paghaharing militar ang Negros, kasama ang buong rehiyong Bicol at mga prubinsya ng Samar.

AB: Magsasaka, pinatay ng militar sa harap ng asawa't anak