Balita

Malapad na alyansa ng kabataan kontra korapsyon, inilunsad

,

Inianunsyo ng mga lider kabataan at estudyante ang pagtatatag ng Youth Rage Against Corruption (YRAC), isang malapad na alyansang kabataan kontra korapsyon, noong Nobyembre 8. Ang alyansa ay ibinunga ng malawakang partisipasyon ng mga kabataan at estudyante sa kilusang walkout simula Setyembre, sa dambuhalang protestang bayan sa Luneta Park noong Setyembre 21, at martsa ng libu-libong kabataan sa Mendiola noong Oktubre 17.

Mapagpasyang binuo ng mga kabataan ang alyansa para paigtingin ang kanilang pagkakaisa at isulong sa mas mataas na antas ang kanilang paniningil sa rehimeng Marcos sa malawakang katiwalian sa gubyerno. Sa paglulunsad ng alyansa, mayroon nang higit 50 konseho, organisasyon at mga pormasyon ang nakapaloob dito.

Ilan sa mga mangunguna sa alyansa ang Polytechnic University of the Philippines Sentral na Konseho ng Mag-aaral (PUP SKM) at Rise Against Corruption and Tyranny, University of the Philippines-Diliman University Student Council at UP Act Against Corruption, Lasallians Against Corruption at One Taft, Ateneo de Manila University Sanggunian at One Katipunan, Barangay UP Campus Sangguniang Kabataan at Quezon City SK for Good Governance, Hip-hop United Against Corruption, Health Students for People’s Health, Alliance of Environmentalists and STEM Students for Good Governance, at Anakbayan.

Nagkaisa ang YRAC sa layuning labanan ang korapsyon, pasismo at kapabayaan sa edukasyon at ipagtanggol ang kinabukasan ng mga kabataan. Militante nilang panawagan: “Bulok na sistema, baguhin! Marcos-Duterte, alisin!”

Ayon sa mga lider-estudyante, lalo silang nagagalit dahil higit 100 araw na mula nang sinimulan ng rehimeng Marcos ang mga “imbestigasyon” nito sa katiwalian sa mga proyektong pang-flood control ngunit wala pa ring nakukulong at napapanagot. Tumitindi rin umano ang panawagan para sa hustisya sa harap ng sunud-sunod na mga sakuna at bagyong humahambalos sa bansa na pinalulubha ang epekto ng malawakang katiwalian.

“Asahan ni Marcos Jr na lolobo ang bilang ng mga kabataan sa iba’t ibang panig ng bansa na buong tapang na lalaban hangga’t patuloy din na lumolobo ang bulsa ng mga kurakot sa gobyerno,” pahayag ni JP Azusano, presidente ng PUP SKM.

Binatikos rin nila ang pasistang panunupil at panggigipit sa mga kabataan ng mga sundalo at pulis ni Marcos para patahimikin ang kanialng paglaban. Apat na lider-estudyante na ang ipina-subpoena ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group para ipailalim sa “imbestigasyon” sa kanilang pamumuno at pagkakasangkot sa mga protestang kabataan kontra katiwalian.

“Malinaw sa atin bakit sentrong panawagan ang pagpapanagot sa hari at reyna ng korapsyon na si Marcos at Duterte. Dahil sila ang kumakatawan sa pinakamatinding anyo ng burukrata-kapitalismo, isang sistemang ginagawang negosyo ang pamahalaan kung saan ang kapangyarihan ay ginagamit hindi para sa ikabubuti ng bayan kundi para sa kasaganahan ng iilan,” pahayag ni Mhing Gomez, tagapangulo ng Anakbayan.

Para singilin ang mga Marcos, Duterte at mga burukrata-kapitalista, idineklara ng alyansa na muling maglulunsad ng pambansang walkout ang mga kabtaan at estudyante sa darating na Nobyembre 17, International Students Day. Lalahok rin sila sa protestang bayan kontra kurakot sa Nobyembre 30 sa Luneta Park na pangungunahan ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK). Ipapanawagan ng KBKK: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”

Inaasahan ng YRAC na higit pang lalapad ang kanilang alyansa sa darating na mga araw laluna at umabot ng higit 40,000 estudyante ang lumahok sa kilusang walkout kontra korapsyon sa buong bansa.

AB: Malapad na alyansa ng kabataan kontra korapsyon, inilunsad