Marahas na pagpapalayas sa mga bolantero sa Iloilo City, kinundena
Kinundena ng mga progresibong grupo sa Panay Island ang marahas na pagpapalayas ng lokal na gubyerno ng Iloilo City sa mga bolantero (mga maglalako sa tabing kalsada) sa Iloilo Terminal Market sa Fuentes Street noong Abril 10 ng gabi. Ipinatupad ang “clearing operations” ng mga tauhan ng Local Economic Enterprise Office (LEEO) katuwang ang Philippine National Police at mga yunit ng SWAT sakay ng 12 patrol car.
Kasabay ng pagpapalayas, kinumpiska ng mga pulis at tauhan ng gubyerno ang mga produkto at ninakaw ang ilang personal na kagamitan at pera ng mga bolantero. Ipinagtanggol pa ni Iloilo City Mayor Raisa Treñas-Chu ang kanyang mga tauhan at pulis, at ipinahayag na pagpapatupad iyon sa mga ordinansa ng syudad. Binatikos pa ng meyor ang umanoy karahasan ng mga bolantero.
Ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Panay, ang mga hakbang na ito ay labis-labis at mapang-api sa ordinaryong mamamayang naghahanap-buhay lamang. Malinaw umano ang pagiging arbitraryo at punitibo ng mga hakbang dahil kahit ang mga produkto at paninda na nakasako at hindi ibinibenta ay kinumpiska.
“Sa halip na lutasin ang tensyon sa pamamagitan ng dayalogo, pinili ng Iloilo City Local Government Unit ang militarisasyon, na biglaang nambulahaw sa di pormal na kabuhayan ng mga bolantero,” pahayag ng grupo. Binatikos rin nito ang paninisi at malisyosong pahayag ng lokal na gubyerno na naglalarawan sa mga bolantero bilang marahas.
Ayon isang bolantero, hindi sila mga kriminal ngunit dumaranas sila ng panliligalig at karahasan mula sa mga pulis at lokal na gubyeEcorno. “Nagbebenta lamang kami para suportahan ang aming mga pamilya. Bakit hindi nila kami payagang magtinda sa panahong sarado na ang SM?” aniya.
Ang Iloilo Terminal Market ay isang pribadong palengke na pinatatakbo ng SM Prime sa bisa ng Public-Private Partnership sa lokal na gubyerno. Ganito rin ang katayuan ng Iloilo Central Market na kapwa nagpalayas at nagtanggal ng kabuhayan ng maraming bolantero at trabahador.
Ayon pa sa bolantero, hindi matakarungan ang ginawa sa kanila ng mga pulis at lokal na gubyerno. “Tinatarget ang aming disenteng kabuhayan,” aniya.
Samantala, para palabasing maka-mahirap at iginagalang ang karapatan ng mga bolantero at kanilang kabuhayan ay idiniin ng lokal na gubyerno na nagpapatupad ito ng “araw ng palengke” kung saan malaya silang makapagtitinda . Binatikos ito ng Kadamay-Panay at tinawag na pekeng solusyon.
Anang grupo, pinipilit nito ang mga bolantero na magtinda isang beses lamang kada linggo na nagpapalubha pa sa mahirap na nilang kalagayan. “Hindi ito saklolo—ito ay pagpapalayas at pang-aabala,” ayon sa Kadamay-Panay.
Nagpahayag ng suporta sa mga bolantero ang Gabriela Panay-Guimaras, ang National Union of Students of the Philippines-Panay at iba pang progresibong grupo.