Mga alituntunin ng Comelec sa paggamit ng social media at internet sa eleksyong 2025, ikinabahala ng Koalisyong Makabayan
Upisyal na humingi ng dayalogo ang Koalisyong Makabayan sa Commission on Elections (Comelec) sa pamamagitan ng isang sulat kahapon, Oktubre 30, para ipahayag ang kanilang pagkabahala sa inilabas na Resolution 11064 ng komisyon noong Setyembre. Laman ng resolusyon ang mga patnubay sa paggamit ng social media, artificial intelligence at internet sa pangangampanya at pagbabawal sa disimpormasyon at misimpormasyon sa eleksyong 2025.
Sang-ayon sa patnubay, inaatasan ang lahat ng mga kandidato, mga partido at kanilang mga kampanyador na irehistro ang lahat ng kanilang upisyal na akawnt at pahina sa social media, mga website, at iba pang platapormang online hanggang Disyembre 13. Gagamitin umano ito para mapigilan ang pagkalat ng pekeng balita at maling impormasyon sa eleksyon. Pangungunahan umano ng Task Force sa Katotohanan, Katapatan, at Katarungan (KKK) sa Halalan ang implementasyon ng patnubay.
Ayon sa Makabayan, nais nilang humingi ng paglilinaw sa Comelec kaugnay ng bagong mga patnubay. “Sa partikular, ang mga usapin na ito ay pumapatungkol sa labis na masaklaw na mga patnubay, hindi malinaw na ilang probisyon, gayundin ang sapilitang pagrerehistro sa mga social media akawnt, website, [atbp.,], at ang implikasyon ng pagrerehistro sa malayang pagpapahayag at pribasiya,” saad nito sa liham.
Pahayag ni Reyna Valmores, isa sa mga tagapagsalta ng koalisyon, “mahalaga ang pagtutol sa fake news at misinformation, ngunit marapat na sa paraang hindi magbubunga ng implications sa freedom of expression, privacy, and effective campaigning.”
Sa dayalogo, tatalakayin ng Makabayan ang mga usaping ito, magbabahagi ng mga palagay sa implementasyon ng resolusyon, at magmumungkahi ng mga solusyon sa mga isyu. Hiniling ng koalisyon na isagawa ang dayalogo sa darating na Nobyembre 4.