Balita

Mga bagong gradweyt, walang nahanap na trabaho noong Hulyo

,

Sa likod ng ipinagmamayabang ng rehimeng Marcos na “masigla” ang hanapbuhay sa Pilipinas, dumaraming kabataan ang walang mahanap na trabaho noong Hulyo.

Sa inilabas ng Philippine Statistics Authority na datos, 1.02 milyon o 43% ng lahat ng mga walang trabaho ay kabataan, edad 15-24. Sa bilang na ito, malaking mayorya o 91% nakakategorya sa kabataang “di nag-aaral, nagtatrabaho o di nakapailalim sa pagsasanay” at sa gayo’y delikadong mahulog sa antas ng kahirapan.

Marami sa kanila ang mga estudyanteng nagtapos ng hayskul at kolehiyo noong Hulyo na walang nahanap na anumang trabaho. Sa datos ng PSA, may 6.89 milyong kabataan na pumasok sa pwersa ng paggawa sa buwan ng Hulyo.

Isinisisi ng mga upisyal ng rehimeng Marcos ang kawalan ng trabaho noong Hulyo sa mga bagyo (weather disturbance), gayundin sa “kawalan ng wastong kasanayan” ng mga gumradweyt para sa “dinamikong labor market.” Ilang dekada na itong bukambibig ng mga upisyal ang kunwa’y “job mismatch” para pagtakpan ang katotohanang kulang na kulang ang de-kalidad na mga trabaho sa bansa, laluna sa mga nakapaggradweyt sa K-12 at kolehiyo.

Pinakamalaki ang bilang ng kabataang walang trabaho sa National Capital Region, na itinuturing na sentro ng pulitika at komersyo. Noong Hulyo, naitala ang youth unemployment dito sa 6.5%, mataas sa pangkalahatang pambansang abereys na 4.7%. Matataas rin ang youth unemployment sa Region IV-A (Calabarzon) na nasa 5.2%, at Region VII (Central Visayas) sa kabila ng may mga syudad itong mas mataas ang urbanisasyon.

Sa buwan ding iyon, bumaba ang labor force participation rate, o bilang ng mga Pilipino, edad 15-pataas, na itinuturing na bahagi ng pwersa ng lakas-paggawa mula 66% noong Hunyo, tungong 63.5% noong Hulyo.

Bilang pampalubag-loob, sinabi ng PSA na posibleng makahanap ng mga trabaho ang mahigit milyong kabataan habang papalapit ang Pasko. Gayunpaman, ang mga trabahong ito ay pana-panahon, pansamantala, hindi regular, mababa ang sahod at madalas malayo sa mga espesyalisasyon at mga asignatura at kursong inaral nila sa kolehiyo at senior high.

AB: Mga bagong gradweyt, walang nahanap na trabaho noong Hulyo