Balita

Mga estudyante sa Davao, nag-walkout kontra korapsyon

,

Magkasunod na walkout at protesta ang inilunsad ng mga estudaynte sa Ateneo de Davao University (AdDU) sa Davao City at Davao Oriental State University (DOrSU) sa Mati City, Davao Oriental sa nagdaang linggo bilang pagkundena sa malawakang katiwalian sa loob ng gubyerno na tuluy-tuloy na nalalantad. Ang kanilang pagkilos ay bahagi ng sumisiklab na kilusang walkout at protesta sa mga unibersidad nitong Setyembre.

Noong Setyembre 23, humigit-kumulang 1,000 estudyante, mga guro at kawani ng AdDU ang lumahok sa walkout na ipinatawag ng Samahan ng mga Mag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Davao at iba pang mga organisasyon at upisina ng unibersidad. Nakiisa sa protesta ang grupong Blue Knights for Human Rights (BKHR).

Nagbigay ng talumpati sa programa ang pangulo ng konseho ng mga mag-aaral, punong patnugot ng pahayagang pangkampus na Atenews, at iba pang lider-kabataan. Nakiisa rin sa protesta at nagbigay ng talumpati ang pangulo ng unibersidad at kinatawan ng mga guro.

Ang pagkilos ng mga estudyante ay matagumpay na nailunsad ilang araw lamang matapos ang isang porum sa kampus na pinangunahan ng kontra-kabataan at kontra-mamamayang National Task Force-Elcac. Pumasok sa kampus para sa naturang porum ang mga upisyal ng Eastern Mindanao Command ng Armed Forces of the Philippines at mga tau-tauhan nito sa pekeng grupo ng mga “dating rebelde” na Kalinaw Southeastern Mindanao.

Tulad ng nakagawian, walang ibang ginawa ang mga pwersa ng estado kundi magpakalat ng kasinungalingan at mang-red-tag. Tahasan nilang tinukoy ang Atenews bilang isang plataporma ng propaganda ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Noong Setyembre 26, pinangunahan ng pahayagang pangkampus na Ang Sidlakan ang kilos-protesta ng mga estudyante, guro at kawani sa DOrSU. Tinatayang 200 ang dumalo sa protesta kung saan nagbigay ng talumpati ang mga lider-estudyante na nagpahayag ng kanilang galit laban sa korapsyon ng gubyerno.

Isang araw matapos ang pagkilos, naglabas ng pahayag ng pagsuporta ang DOrSU University Student Council sa isang estudyante ng kampus na nagpahayag ng kanyang saloobin at paninindigan sa isang panayam sa 101.1 Brigada Mati City sa araw ng protesta. Nagpahayag ang naturang estudyante ng kanyang pusisyon laban sa korapsyon kung saan kabilang ang mga Duterte sa idiniin niyang dapat panagutin.

Umani ng malawak na reaksyon ang ulat ng radyo sa social media at naging tampulan ng insulto, panliligalig at red-tagging ang estudyante. Kaugnay nito, hiniling ng estudyante na tanggalin ang balita dahil natatakot siya para sa kanyang kaligtasan. Sa halip na pangalagaan ang seguridad ng estudyante, muling naglabas ang radyo ng balita at pabatid na ipinatatanggl nito ang nakapaskil na balita.

Ayon sa DOrSU USC, ang bawat indibiwal at estudyante ay mayroong kalayaang magpahayag na ginagarantiya ng konstitusyon. Kinundena ng konseho ang nangyaring panliligalig sa kapwa nila estudyante at nagpahayag ng pagkadismaya sa radyo dahil isinapubliko nito ang hiling ng estudyante na tanggalin ang balita, na labag sa kanyang pribasiya.

“Ang hindi pinag-isipang hakbang na ito ay nagdulot ng labis na emosyonal at sikolohikal na suliranin, higit na nagpalaki sa pagkamuhi at nagbuyangyang sa estudyante sa pamamahiya sa halip na protektahan ang kanyang dignidad,” pahayag ng DOrSU USC. Nanawagan ang konseho sa 101.1 Brigada Mati na maglabas ng paumanhin sa estudyante at komunidad ng DOrSU, itaguyod ang ethics ng pamamahayag sa pagprotekta sa pribasiya at iwasan ang mga hakbang na nakapagpapalala pa sa nangyari nang pinsala.

Liban sa AdDU at DOrSU, nauna nang naglunsad ng hiwalay na walkout ang University of the Philippines-Mindanao noong Setyembre 19. Hindi bababa sa 600 indidbiwal ang lumahok sa demonstrasyon sa UP Mindanao sa Davao City.

AB: Mga estudyante sa Davao, nag-walkout kontra korapsyon