Mga grupong anti-imperyalista sa France, nagtipon para batikusin ang Indo-Pacific Strategy ng bansa
Hindi bababa sa 141 katao ang lumahok sa inilunsad na kumperensya ng mga grupong anti-imperyalista sa Paris noong Enero 26 para batikusin ang Indo-Pacific Strategy ng France. Inorganisa ang kumperensya ng Committee of Support the Revolution in the Philippines (CSRP), Friends of the Filipino People in Struggle (FFPS), ng Parisian Cell ng Mobilization for Kanaky (CMPK), ni Ka Ubuntu, at Bahaghari-France.
Sa talumpati ni Victor Garces, ikalawang tagapangulo sa usaping panloob ng International League of Peoples’ Struggle (ILPS), ipinaliwanag niyang mauugat ang estrateyihang ito ng France sa patakarang “pivot to Asia” ng United States na sinimulang ipatupad noong 2008. Aniya, “ang tunay na layunin ng Indo-Pacific Strategy ng France ay para pumanig sa US sa paghahanda nito sa digmaang US-China, kung saan magsisilbing lunsaran ng gera ang Pilipinas.”
Tinalakay rin sa kumperensya ang paggamit ng gubyerno ng France sa mga kolonya nito tulad ng Kanaky (New Celadonia) at Réunion Island para gawing lehitimo at ipatupad ang patakarang Indo-Pacific nito. Sinuri ng mga organisasyon ang epekto ng patakarang ito sa Southeast Asia, Oceania, at sa Indian Ocean, at nagmungkahi ng paraan ng pagtutulungan at paglaban dito.
Nagbigay-pansin ang mga diskusyon sa mga kilusang magpagpalaya na isinasagawa sa mga teritoryo ng France. Gayundin, pinag-usapan nila ang malaking pangnagailangan na pakilusin ang mamamayang French para magkaisa at labanan ang imperyalistang mga patakaran.
Noong Abril 2024 hanggang Mayo 2024, unang beses na lumahok ng armadong pwersa ng France sa Balikatan war games sa pagitan ng Pilipinas at US na isinagawa sa teritoryo ng Pilipinas. Lumahok din ang France sa war games kasama ang Japan sa OGURI-VERNY 24-3 para sa pagtataguyod ng “malaya at bukas na Indo-Pacific” noong Hulyo 2024. Naging bahagi rin ang France sa war games sa Australia noong Hulyo 2024 hanggang Agosto 2024 sa mga war games panghimpapawid.
Noong Enero, pinangaunahan ng French Carrier Strike Group ang multinasyunal na war games na La Perouse 25 sa Southeast Asia. Lumahok din ito sa Exercise Pacific Steller 2025 sa Philippine Sea, kasama ang pwersang militar ng US, Japan at Pilipinas, noong Pebrero.
Naging tampok rin sa kumperensya ang paksa ng kilusang mapagpalaya sa Pilipinas sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas at malawak na suporta ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) dito. Idiniin ng mga tagapagsalita sa paksang iyon ang pagkakaugnay-ugnay ng mga kilusan sa buong mundo para labanan at bigwasan ang imperyalismo.
Ibinahagi ng CSRP, grupong sumusuporta sa digmang bayan sa Pilipinas, ang kahalagahang palakasin ang pagkakaisa at gawaing alyansa ng mga grupong anti-imperyalista sa harap ng koordinado ring mga hakbang at panunupil ng imperyalistang mga bayan laban sa mamamayan.
Nagtapos ang naturang kumperensya sa isang salu-salo at pakikisalamuha ng mga delegado sa bawat isa. Pinalalim nito ang mga talakayan at pagkakakilanlan nila sa isa’t isa. Itinuring ng mga organisador ang kumperensya bilang isang “mahalagang hakbang” para pagkaisahin ang mga pwersang anti-imperyalista at sumusulong na pakikibaka sa imperyalismo.