Mga kaanak at kaibigan ng mga desaparecidos, nagtipun-tipon

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagsama-sama ang mga kaanak at kaibigan ng mga desaparecido o biktima ng sapilitang pagkawala noong Abril 2 sa Bantayog ng mga Bayani, Quezon City. Pinagtibay nila ang pagkakaisa sa patuloy na paghahanap sa kanilang mga nawawalang kaanak at panawagan para sa hustisya sa harap ng dumaraming kaso ng pagdukot sa ilalim ng rehimeng Marcos. Pinangunahan ang pagtitipon ng grupong Desaparecidos at Free Jonas Burgos Movement.

Sa programa, nagbigay ng mensahe ang mga kaanak ng mga desaparecidos na sina Jonas Burgos, Gene Roz Jamil “Bazoo” de Jesus, Armando Portajada at Rizalina Ilagan. Ibinahagi nila ang kani-kanilang karanasan at ang kolektibong paghihinagpis sa paghahanap sa mga nawawalang mga biktima. “Sa kalagayang dumarami ang bilang ng desaparecidos sa ilalim ng kasalukuyang rehimen, ang pagtitipong ito ay naglalayong pagtibayin ang ating pagkakaisa,” pahayag ng Desaparecidos.

Noong huling linggo lamang ng Marso, naitala ang pinakahuling mga biktima ng pagdukot at sapilitang pagkawala. Dinukot ang mga aktibistang pangkalikasan na sina Francisco “Eco” Dangla III at Joxelle “Jak” Tiong noong Marso 24, alas-8 ng gabi, ng mga pwersa ng estado sa Barangay Polo, San Carlos City, Pangasinan. Sa tuluy-tuloy na paggigiit at paghahanap, inilitaw sila noong Marso 27.

Sila ang ika-22 at ika-23 kaso ng biktima ng pagdukot sa ilalim ng rehimeng Marcos. Sa upisyal na tala ng Karapatan, 12 sa mga ito ang di pa inililitaw hanggang sa kasalukuyan. Ang mga ito ay sina: Elgene Mungcal, Ma. Elena Pampoza, Ariel Badiang, Renel delos Santos, Denald Laloy Mialen, Lyn Grace Martullinas, Dexter Capuyan, Gene Roz Jamil de Jesus, Bea Lopez, Lee Sudario, Norman Ortiz at Mariano Jolongbayan. Noong Pebrero, iniulat naman ng Anakbayan-Southern Mindanao ang pagdukot ng aktibista at manunulat na si Nelson Bautista Jr.

Sa katapusan ng programa, nagsindi sila ng mga sulo at lampara bilang simbolo ng kanilang walang kapaguran at walang maliw na paghahanap sa katotohanan at hustisya. Nangako silang ipagpapatuloy ang mga pagkilos at aktibidad para sa kanilang mga kaanak hanggang makamit ang hustisya.

Gugunitain ng grupo ang ika-17 taon ng pagkawala ni Jonas Burgos sa Abril 28. Ang pagdukot kay Burgos, isang organisador at aktibista, nong 2007 sa Quezon City ay isa sa mga tampok na kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng pasistang rehimeng Arroyo. Kasabay din sa araw na ito ang pag-alaala ng mga grupo sa isang taong pagkawala nina Dexter Capuyan at Gene Roz Jamil de Jesus, mga tagapagtanggol ng karapatan ng katutubo sa Cordillera, noong gabi ng Abril 28, 2023 sa Taytay, Rizal.

AB: Mga kaanak at kaibigan ng mga desaparecidos, nagtipun-tipon