Mga kandidatong bastos at mapanliit sa kababaihan, pinananagot ng Gabriela
Kinundena ng Gabriela Women’s Party ang kamakailang mga kontra-kababaihang pahayag ng ilang kalalakihang kandidato habang nangangampanya. Kabilang sa mga ito ang kandidato pagka-gubernador ng Misamis Oriental na si Peter Unabia, kandidato pagka-kongresista sa Pasig na si Christian Sia at kandidato pagkasenador ng partido ni Duterte na si Jimmy Bondoc.
Pormal nang nagsumite ang GWP ng sulat sa Commission on Election para udyukin ang ahensya na gumawa ng hakbang laban sa mga seksista at misogynist na mga pahayag at amyendahan ang Omnibus Election Code para pagbawalan ang mga kandidato na gumawa ng mga pahayag na may diskriminasyon at nakapanghihiya sa kababaihan at LGBTQ+. Sa kaso ni Sia, kumikilos ngayon ang Gabriela para patawan siya ng karampatang sangsyon bilang abugado.
“Dapat seryosohin ng COMELEC ang mga insidenteng ito at magbalangkas ng mas malakas na mga mekanismo para sa pagpapanagot para parusahan ang mga nagkasala,” ayon kay Sarah Elago, unang nominado ng GWP. “Walang puwang sa pamahalaan ang mga nambabastos ng kababaihan at nagpapalaganap ng diskriminasyon. Aktibo nating bantayan ang mga pahayag ng kandidato at agad-agad na i-report ang mga bastos at abusado.”
Tinawag ng GWP na “tahasang pambabastos” ang panawagan ni Sia na “makipagsiping” sa kanya minsan sa isang taon ang mga “single mother,” gayundin ang pahayag ni Unabia na “magaganda” lamang ang dapat maging nars para hindi mamatay ang mga pasyenteng kalalakihan.
“Kapag tinilad-tilad ang biro ni Sia, lilitaw ang totoong mababang pagtingin niya sa kababaihan,” pahayag ni Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan Women at Gabriela Women’s Party 2nd nominee. “Panahon nang maghalal ng marangal na mga tao sa kongreso at senado, silang nagmula mismo sa mayorya ng sambayanan na matagal nang biktima ng diskriminasyon, pagmamaliit, pagsasamantala, at karahasan ng mga pulitiko at dinastiya. Panahon nang bumoto ng mga mambabatas na totoong nagpapahalaga sa ambag ng kababaihan sa lipunan at bansa.”
Ayon kay Estavillo, may 15 milyon solo parent sa Pilipinas, at 95% o mahigit 14 milyon ay kababaihan. Kalakhan ng solo parent ay nasa kanayunan, kung saan ang talamak na pandarambong sa mga likas-yaman, pagpapalit-gamit ng lupang sakahan, at reklamasyon ay nagreresulta sa maagang pag-aasawa.
Tinawag naman ni Arlene Brosas, kasalukuang kinatawan ng GWP sa Kongreso at kandidato pagkasenador ng Makabayan, ang pahayag ni Unabia bilang “misogyny at diskriminasyon.”
“Ang pagiging nurse ay batay sa kakayahan, kaalaman, at malasakit, hindi sa itsura. Hindi pisikal na anyo ng mga nars ang problema ng ating health system, kundi ang ‘pangit’ na pamamahala at pagpapabaya ng gubyerno sa kalusugan ng mamamayan,” aniya.
Bago nito, kinastigo na ni Brosas at ng kababaihan ang kandidato pagkasenador na si Bondoc sa kanyang seksistang pahayag na hindi siya makikipagdebate sa isang news anchor dahil sa kagandahan nito.