Mga matatanda, siklista, naglunsad ng protesta kontra korapsyon
Magkahiwalay na aktibidad ang inilunad ngayong araw, Nobyembre 22, ng grupo ng matatanda at ng mga siklista bilang protesta sa malawakang korapsyon ng rehimeng Marcos. Pinangunahan ang mga pagkilos ng mga organisasyong bahagi ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK).
Sa Quezon City, nagprotesta ang myembro ng Seniors Kontra Kurakot sa dalawang mall sa Cubao. Nakasuot ng itim n t-shirt na mayroong mga panawagan, sama-samang nglakad ang mga matatanda sa kanilang ikalawang “mall walk.” Sumigaw rin sila at nanawagang ikulong ang lahat ng mga kurakot.
Ayon kay Candy Yuzon, isa sa mga lumahok sa protesta, natutulak silang kumilos kahit matanda na dahil sa nakikita nilang sistemikong korapsyon sa gubyerno. “Anong ipamamana namin sa aming mga anak at mga apo? Isang bulok na sistema kung saan normal ang pangungurakot…ang magnakaw?” aniya.
Umaasa si Yuzon at mga kapwa niya matatanda na sana ay pakinggan sila ng gubyerno. Dagdag niya, nananawagan sila na bago magtapos ang taon ay mayroon nang mapanagot at makulong.
Ipinahayag rin ng Seniors Kontra Kurakot ang suporta sa panawgan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na magbitiw na sina Presidente Ferdinand Marcos Jr at Bise Presidente Sara duterte. “[Sila] ang numero unong mga maysala sa garapalan at walang kaparis na pangungurakot na nagpapahirap sa taumbayan,” ayon sa grupo.
Samantala, mula Quezon City tungong Liwasang Bonifacio sa Maynila ay magkakasamang pumadyak ang mga siklista sa inilunsad nilang 25-kilometrong “Padyak Kontra Kurakot.” Itinaon ng mga grupo, sa pangunguna ng Panatang Luntian, ang aktibidad sa paggunita sa National Bike Day.
“Wala nang hindi biktima ng corruption na ito — mapa-pedestrian, commuter, biker, runner. Lahat naman tayo taxpayer, so everyone wants their voices to be heard na talaga,” pahayag ni Jasper Abunyawan, isa sa mga organisador ng aktibidad.
Ang mga grupo ng matatanda at siklista ay muling lalahok sa malawak na protestang Baha sa Luneta 2.0 sa darating na Nobyembre 30. Pangungunahan ang dambuhalang pagkilos ng KBKK at mananawagan na panagutin ang lahat ng sangkot sa katiwalian ng gubyerno. Magkakaroon rin ng mga pagkilos sa ibang bahagi ng bansa.
“Mula sa simpleng ‘managot ang kurakot’ hanggang sa malalalim na panawagan para magbitiw sa pwesto sina Bongbong Marcos at Sara Duterte at baguhin ang bulok na sistema ng pamamahala, lahat ng lehitimong sigaw ng bayan ay may puwang at pakikinggan,” pahayag ng KBKK para sa protesta.
Dagdag ng grupo, “Walang sensura, walang pipigil sa hinaing at sigaw ng taumbayan. Papangalanan namin ang dapat pangalanan.” Idineklara ng KBKK na maglulunsad ang kanilang grupo ng tulu-tuloy na mga pagkilos at aktibidad sa darating na mga araw bilang paghahanda para sa protestang bayan sa Nobyembre 30.