Minimum ng mga manggagawang pangkalusugan, itaas sa 33k!

,

Nagsagawa ng noise barrage o pag-iingay sa harap ng Department of Health sa Lunsod ng Maynila ang iba’t ibang unyon sa ilalim ng Alliance of Health Workers (AHW) noong Huwebes, Nobyembre 24. Ito ay para hinging itaas tungong ₱33,000 ang minimum na sweldo ng mga manggagawang pangkalusugan katulad sa pribado at pampublikong sektor.

Ito rin ang panawagan ng iba pang mga unyon at asosasyon ng mga manggagawang nasa pampublikong serbisyo. Sa tinawag nilang “Araw ng Protesta,” muli ring iginiit ng mga manggagawang pangkalusugan na agarang ipamigay ang alawans at kumpensasyon para sa kanilang pagserbisyo laban sa pandemyang Covid-19.

“Panahon na para gawing prayoridad ang pagtaas ng sweldo, laluna ngayong di na kaya ng mga sweldo natin ang araw-araw na pangangailangan dahil sa taas ng implasyon,” pahayag ni Ernesto Bulanadi, presidente ng Tondo Medical Center Employees Association-AHW sa panayam sa isang dyaryo.

Sa ngayon, nakatatanggap lamang ng ₱12,000 ang Salary Grade 1 ang mga manggagawang pangkalusugan sa pampublikong sektor, habang ₱17,000 ang natatanggap na sahod ng mga nasa pribadong ospital. Giit ng mga manggagawa, kinakailangan ng di bababa sa ₱1,133 kada araw o ₱33,990 kada buwan para mabuhay ng disente ang isang 5-kataong pamilya.

Sa araw ding iyon, naglunsad ng protesta ang AHW sa Baguio General Hospital and Medical Center sa oras ng kanilang tanghalian (lunch break) para igiit ang kagyat na pamamahagi sa kanilang Health Emergency Allowance (HEA) para sa Hulyo-Disyembre 2021 at Hulyo-Disyembre 2022. Anila, hindi pa rin nila natatanggap ang kanilang Performance Based-Bonus para sa mga taong 2020 at 2021.

Sa Manapla, Negros Occidental, nagsagawa ng silent protest ang mga Barangay Health Workers ng Rural Health ng barangay para igiit na dapat rin silang bigyan ng One Covid-19 Allowance (OCA).

“Malaki ang naging ambag ng ating BHWs sa panahon ng pandemya dahil sila ang nasa frontline sa mga pasyenteng may COVID-19 sa mga Barangay,” ayon sa AHW. “(M)arapat lamang na mabigyan din sila ng OCA at maging ng HEA.”

Sa Bacolod City, nagkaroon din ng sama-samang pagkilos ang mga manggagawang pangkalusugan ng Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital para sa agarang pamamahagi ng kanilang HEA para sa 2021-2022. Tinawag nilang itong #ProtestFromWards.

“Paulit-ulit lang ang mga pangyayari. Laging mahirap para sa amin na matanggap ang nararapat (na benepisyo,)” pahayag ni Robert Mendoza, presidente ng AHW sa araw na tinawag nilang Day of Protest. “Kailangan pa naming pumunta sa lansangan para iparating ang aming hinaing. Sa ilalim ng administrasyong Marcos, walang signipikanteng pagbabago sa nakaaawang kalagayan ng mga manggagawang pangkalusugan at ng mamamayan.”

AB: Minimum ng mga manggagawang pangkalusugan, itaas sa 33k!