Balita

Operasyong sarbeylans ng US sa Mindanao, itinutulak na imbestigahan

Kasunod ng pagbagsak ng isang eroplanong pangsarbeylans na kinontrata ng US Department of Defense sa isang sakahan sa Ampatuan, Maguindanao del Sur noong Pebrero 6, nanawagan ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ng isang imbestigasyon sa operasyong sarbeylans at operasyong militar ng US sa isla. Dapat umanong malaman kung bakit mayroong operasyon sa Mindanao, ilan ang inaprubahan ng gubyerno at sa ilalim ng anong kasunduan ito isinagawa.

Tinukoy ang bumagsak na eroplano na isang Beechcraft King Air 300 at may rehistrong N349CA. Inamin ng U.S. Indo-Pacific Command Public Affairs na kabilang sa namatay ang isang sundalong Amerikano kasama ang tatlong pribadong kontratista sa depensa. Sinabi ng kumand na nagsasagawa ng “sarbeylans, paniniktik at suporta sa rekorida” ang eroplano sa “rekwes ng mga awtoridad ng Pilipinas.”

Ayon sa Bayan, ang pagbagsak ng eroplano ay isang malinaw na babala ng panganib ng militarismo ng US sa rehiyong Asia-Pacific. “Ipinakikita ng insidente kung paano ang pang-uupat ng gera ng US, na layuning palibutan ang lumalawak na impluwensya ng China, ay direktang nakapipinsala sa istabilidad ng rehiyon,” ayon pa sa grupo.

Dapat umanong sumagot ang rehimeng Marcos kung bakit mayroong operasyon sa Mindanao gayong malayo ito sa sinasabing “hotspot” ng tunggalian ng US at China na siyang ginagamit na dahilan ng kanilang presensya sa bansa. “Nagbababala ang mga awtoridad sa banta ng panghihimasok ng China sa bansa ngunit pinahihintulutan naman natin ang tropa at pwersang militar ng US na mag-ikot sa buong bansa at gawing lunsaran ng operasyong militar ang ating buong teritoryo,” ayon sa Bayan.

Sa harap nito, muling ipinanawagan ng Bayan ang pagpapalayas sa mga pwersang militar ng US at pagbasura sa hindi patas na mga kasunduang militar ng gubyerno ng Pilipinas sa imperyalistang US. Kabilang dito ang paglansag sa mga base militar ng US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na pinaglalagakan ng mga kagamitang pandigma ng mga Amerikano.

AB: Operasyong sarbeylans ng US sa Mindanao, itinutulak na imbestigahan