Oplan dikit at oplan pinta, inilunsad ng KM para sa anibersaryo
Bilang paggunita sa ika-61 anibersaryo ng Kabataang Makabayan (KM), naglunsad ng oplan dikit at oplan pinta (OP-OD) ang mga balangay nito sa Maynila at Laguna sa nagdaang dalawang linggo. Liban dito, iniulat rin ng isang balangay ng KM sa Canada na nagsagawa ito ng katulad na aktibidad doon.
Ang KM ay itinatag noong Nobyembre 30, 1964 ni Kasamang Jose Maria Sison. Ang KM ay ang rebolusyonaryong organisasyon ng mga kabataang Pilipino na sumusuporta at nagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Isa ito sa mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front of the Philippines.
Sa Maynila, pinangungahan ng tatlong balangay ang OP-OD sa De La Salle University (DLSU)-Manila, DLS-College of St. Benilde (CSB), at sa University of the Philippines (UP)-Manila.
“Nakikitang umaalab pa rin ang apoy ng rebolusyon sa mga kabataan at estudyante, sa kanayunan man o dito mismo sa kalunsuran,” pahayag ng KM-Balangay Guiller Cadano at KM-Balangay Agaton Topacio. Anila, nagkabit ang kanilang mga myembro ng mga istiker at obra sa mga gusali ng DLSU-Manila at DLS-CSB kabilang ang gusaling nakapangalan sa burgesyang kumprador na si Gokongwei.
Laman ng mga istiker at pinta mga panawagan sa kabataan na lumahok sa rebolusyon, tumungo sa kanayunan, at gamitin ang kanilang kasanayan bilang intelektwal upang ipaglaban ang interes ng masang api.
“Dahil sa krisis ng korapsyon sa gobyerno at labanan sa pagitan ng mga reaksyunaryong Marcos at Duterte, kawalan ng oportunidad, banta ng digmaan at militarisasyon sa probokasyon ng imperyalistang US, higit na mahalaga ngayon na lumahok sa rebolusyon,” anang dalawang balangay. Dagdag nila, ito ang natatanging paraan upang depensahan ang bayan at ipagtanggol ang mga sarili mula sa umiigting na krisis.
Sa UP Manila, pinangunahan ng KM-Balangay Maria Sheena Trinidad ang OP-OD. Ilan sa mga panawagang nakadikit at nakapinta sa pader ng unibersidad ang “Rebolusyon ang Solusyon” at “Sagot sa Kahirapan, Digmang Bayan.”
Sa UP Los Baños, pinintahan ng mga panawagang sumusuporta sa digmang bayan ng mga myembro ng KM-Balangay Rizalina Ilagan at KM-Southern Tagalog (KM-ST) ang mga pader ng gusali sa kampus. Nagsabit rin ang KM-ST ng isang balatengga sa overpass sa Calamba Crossing noong Nobyembre 30. Panawagan nito: “Kabataan durugin ang pasista, korap at bulok na rehimeng US-Marcos! Patalsikin sina Marcos at Duterte! Tumungo sa kanayunan, sumapi sa NPA!”
Sa Canada, iniulat rin ng isang balangay ng KM na kinabibilangan ng mga kabataang Pilipinong migrante at diaspora ang paglulunsad ng OP-OD. Ayon sa balangay, ang pagpapalaganap ng rebolusyonaryong gawain sa hanay ng kabataang Pilipino sa Canada ay pinagtitibay nito ang rebolusyonaryong diwa na hindi magagapi ng rehimeng Marcos at mga kasabwat nitong imperyalistang bayan.
Paghahanda at pagpaplano sa OP-OD
Sa karanasan ng isang balangay, isang buwan pa bago inilunsad ang aktwal na OP-OD ay nagpulong at nagplano na sila sa pangunguna ng upisyal sa propaganda. Kolektibo nilang tinalakay at pinagkasunduan ang tema at disensyo ng OP-OD. Iniangkop nila ang tema ng mga istiker at panawagan sa karakter at katangian ng mga kabataan at estudyanteng nais nilang mahikayat at mamulat.
Matapos ang pagpaplano, pinaghandaan ng balangay sa sumunod na mga linggo ang paggawa ng sining at obra para sa mga istiker. Nagtalaga ang balangay ng isang tim na mangangalap at mangangasiwa ng mga materyales na kakailanganin para sa OP-OD. Nagkaisa ang mga myembro na lagyan ng QR-Code ang mga obra para maipalaganap ang mga rebolusyonaryong midya at pahayag, at ang websayt ng rebolusyonaryong kilusan na PRWC o Philippine Revolution Web Central.
Isang linggo bago ikasa ang OP-OD ay nagkaroon ng serye ng pagpupulong ng kumand at pagmanman sa lugar na paglulunsaran nito. Itinalaga at binuo rin sa mga pulong na ito ang mga tim na papakat sa kada gusali at erya. Dahil mayroong mga myembro na unang beses lalahok sa OP-OD, inihalo sila sa mga mayroon nang karanasan. Paraan ito para siguraduhin ang masinop at mabilis na pagpapatupad sa gawain at ligtas na pag-atras ng mga kasapi mula sa lugar.
Nagkasundo rin ang balangay hinggil sa pag-ayos ng disguise para sa mga kasamang magkakasa ng OP-OD. Nagtalaga ang balangay ng mga “spotter” sa kada tim para matiyak ang seguridad sa aktwal na araw ng paglulunsad ng OP-OD.
Sa kasagsagan ng mga paghahanda, pinahigpit ng balangay ang pagtalima sa protokol sa seguridad. Labis na pinag-ingatan ng mga myembro na hindi sumingaw ang mismong balak na aktibidad at mahusay na itinaon ang panahon ng aktwal na paglulunsad nito. Nagbuo rin ang balangay ng sistema ng komunikasyon sa pamamagitan ng nakakodang usapan upang mabilisang makapag-apdeyt sa mga tim. Hinikayat din ng pamunuan ng balangay ang mga myembro nito na iwasan ang pagpapadaloy ng impormasyon sa online o internet.