Balita

Pag-aresto sa 3 manggagawang pangkaunlaran sa Negros sa kasong "terrorism financing," kinundena

Kinundena ng Human Rights Advocates Negros (HRAN) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Negros ang pag-aresto sa tatlong manggagawang pangkaunlaran na may kaugnayan sa Paghida-et sa Kauswagan Development Group Incorporated (PDG Inc) noong Enero 2 sa Negros Occidental. Sina Federico Salvilla, Perla Jaleco at Dharyll Albanez ay inaresto sa mga kaso ng “terrorism financing” o paglabag sa Terrorism Financing and Suppression Act of 2012.

Ayon sa HRAN, si Salavilla ay inaresto ng mga pulis sa bayan ng Pulupandan; si Jaleco sa bayan ng Cauayan; at si Albanez ay “boluntaryong sumuko” habang nagpuproseso ng pyansa para sa pansamantalang kalayaan. “Nananatili ang pusisyon ng HRAN na ang minadaling kaso ay gawa-gawa laban sa mga manggagawang pangkaunlaran ng PDG Inc,” ayon sa grupo.

Ang PDG Inc ay isang organisasyon sa sentral at timog na bahagi ng Negros Island at nagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka at mga mangingisda para sa sustenableng agrikultura at repormang panlipunan. Itinatag ang organisasyon noong dekada 1980.

Matatandaan na unang lumutang ang naturang kaso noong Abril 29, 2024 nang puntahan ng mga kinatawan ng Department of Justice, kasama ang mga pulis, ang upisina ng PDG Inc at limang inaakusahan nito, kabilang ang tatlo, kasama sina Clarissa Ramos, byuda ng pinaslang na abugado na si Atty. Benjamin Ramos, at si Felipe Levy Gelle. Iniharap sa kanila ang isang subpeona o pagpapatawag para sa “imbestigasyon” ng DOJ.

Inihapag ang reklamo ni PMSG Francisco John Dumdumaya, deputized Anti-Money Laundering Council Financial Investigator at kasapi ng Regional Intelligence Division ng PNP Regional Police Office 6. Ibinatay ito sa sinumpaang mga salaysay ng nagpapakilalang “finance and logistics officer at kumander ng “Tahod Ilahas Command ng CPP-NPA” na nag-ooperasyon diumano sa Negros na si Jonel Roy Moreno at nina Danilo at Jeonna Dela Cruz na nagpapakilalang mga kasapi ng lokal na samahan ng mga mangingisda sa Cauyan, Negros Occidental.

Noong Disyembre 3, 2024, matapos ang ilang buwan ay nagsampa ng anim na bilang ng kasong “terrorism financing” ang DOJ laban sa limang manggagawang pangkaunlaran.

“Ang pag-aresto sa kanila ay nagbibigay diin sa walang tigil na paggamit ng estado sa ligal na sistema upang supilin ang pagtutol,” ayon sa Bayan-Negros. Dagdag ng grupo, bahagi ang pag-aresto ng “umiigting na crackdown laban sa mga progresibo…na nagkakampanya para sa karapatan ng mahihirap na komunidad.”

Bahagi din ito ng kampanya ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at National Task Force-Elcac para manipulahin ang estadistika para sa istatus ng Negros Island na “Stable Internal Peace and Security (SIPS).” Noong Marso 2024, idineklara ang buong Negros na SIPS, o wala nang banta ng “insurhensya” ng rebolusyonaryong kilusang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas.

Ayon sa HRAN, nakikipag-ugnayan na ang kanilang grupo sa mga pamilya at abugado ng mga biktima para sa ligal na depensa at paglaban sa korte.

Sa tala ng alyansang Defend NGOs, umabot na sa 69 indibidwal at 29 non-government organization sa buong bansa ang nakararanas ng panggigipit kasabay ang pagharap sa mga gawa-gawang kaso na may kaugnayan sa “terorismo” sa ilalim ng rehimeng Marcos.

AB: Pag-aresto sa 3 manggagawang pangkaunlaran sa Negros sa kasong "terrorism financing," kinundena