Balita

Pagsasampa ng kasong "terrorism financing" sa 5 aktibista sa Cagayan Valley, kinundena

Binatikos ng Karapatan at iba pang progresibong grupo ang kamakailang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso ng pagpopondo sa terorismo laban sa limang aktibista mula sa Cagayan Valley. Sila ang huling mga biktima ng panggigipit ng rehimeng Marcos gamit ang Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act. Bahagi sila ng serye ng mga ginipit kaugnay sa pagbisita ng Financial Action Task Force (FATF) sa Pilipinas.

Kinasuhan sina Isabelo Adviento, lider magsasaka; Cita Managuelod na peasant advocate; Agnes Mesina, coordinator ng Makabayan Cagayan Valley; Jackie Valencia human rights worker; at si Deo Montesclaros isang mamamahayag. Lahat sila’y matagal nang nagtataguyod sa karapatan at kagalingan ng mamamayan ng Cagayan Valley at ng mamamayang Pilipino.

“Patuloy na inaakusahan ng rehimeng Marcos Jr ang mga aktibista ng pagpopondo sa terorismo sa kanilang pagsisikap na matanggal sa ‘grey list’ ng FATF,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan. “Dahil dito, nagkaroon ng sunud-sunod na arbitraryong kaso na isinampa laban sa mga aktibista at kanilang mga organisasyon na matagal nang nasa target ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).”

“Pagbukas ng bagong taon, nagpasabog ang rehimen ni Marcos Jr ng mga gawa-gawang kaso laban sa mga aktibista ng Cagayan Valley. Pagkatapos ng magkakasunod na bagyo at matamlay na tugon ng pamahalaan sa kalamidad, ay panggigipit sa mamamayan ang sagot ng NTF-ELCAC ng gobyernong Marcos Jr,” ayon naman sa pinag-isang pahayag ng Karapatan-Cagayan Valley (CV), Makabayan-CV at Danggayan CV. Anila, kasabay sa pagragasa ng ulan at baha ang ginawang red tagging at pagmamanman ng militar sa mga komunidad sa panahon ng relief distribution. Hindi ligtas ang mga aktibista, at kahit ang kinatawan ng mga progresibong partido, sa panggigipit ng mga yunit ng militar.

Panawagan ng mga organisasyon ang kagyat na pagbabasura sa gawa-gawang mga kaso.

Kabilang sa nanawagan nito ang mga grupo ng mamamahayag ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), Altermidya, at Pinoyweekly, ang pahayagan kung saan kontribyutor si Montesclaros. Una nang ni-red-tag si Monteclaros noong 2020 dahil sa kanyang pag-uulat sa mga paglabag sa karapatang-tao, mga isyung kinakaharap ng mga magsasaka at kaugnay sa kalikasan sa Cagayan Valley.

“Sinasalamin ng mga akusasyong ito ang mas malawak na padron ng pang-aabuso ng estado na naglalagay sa panganib sa mga community journalist, na lubos na bulnerable sa panggigipit, banta ng legal na aksyon, at red-tagging,” pahayag ng Altermidya. “Sa pamamagitan ng paggamit ng mga batas laban sa terorismo upang patahimikin ang midya, lumilikha ang gubyerno ng climate of fear, pinipigilan ang kritikal na pag-uulat, at nagpapahintulot sa paglaganap ng maling impormasyon.”

Pangalawang mamamahayag na si Montesclaros na sinampahan ng gawa-gawang kasong “terrorism financing.” Ang isa pa ay si Frenchie Mae Cumpio na nakakulong mula pa 2020.

AB: Pagsasampa ng kasong "terrorism financing" sa 5 aktibista sa Cagayan Valley, kinundena