Balita

Pagsasampa ng "terrorism financing" laban sa mga aktibista, paghahabol ng estado para makalabas sa "grey list" ng FATF

Kinundena ng mga abugado mula sa National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang panggigipit ng estado sa mga aktibista at manggagawang pangkaunlaran para matanggal ang Pilipinas sa “grey list” o mga bansang laganap ang money laundering at “pagpinansya sa terorismo.”

“Sa isang nakababahalang padron, nagsasampa ang DOJ ng walang batayang mga kaso ng terrorism financing laban sa mga indibidwal at organisasyon nang walang kapani-paniwalang ebidensya,” pahayag ng NUPL. “Lantarang pagtatangka ito na palakihin ang mga istatistika ng pag-uusig upang matugunan ang mga arbitraryong kota, kasabay ng naiiulat na beripikasyon ng FATF sa pagtugon ng gubyerno sa mga pamantayan ng FATF.”

Inihalimbawa nito ang kaso ng dalawang aktibista sa Southern Tagalog na kinasuhan ng “terror financing” dahil nag-abot sila ng pagkain at kaunting pera sa mga bilanggong pulitikal. Gumagamit ang mga pwersa ng estado ng pananakot at panggigipit, katulad sa kaso laban sa Paghidaet sa Kauswagan Development Group (PDG) sa Negros. Tinakot at binantaan ng NTF-Elcac ang isang “saksi” na kakasuhan kapag hindi siya tetestigo laban sa PDG.

Nanawagan ang NUPL para sa kagyat na pagtigil sa pagsasampa ng gawa-gawang mga kaso ng terrorism financing at panggigipit, pambabanta at pananakot sa mga biktima.

Kasabay nito, kinutya ng NUPL ang pagpirma ng gubyerno ng Pilipinas sa isang “Standard Operating Procedure” para mga kaso ng terorismo at terrorism financing, na isinabay sa pagbisita ng mga upisyal ng FATF sa bansa. Ang “SOP” na ito ay sinasabing “naaayon sa pinakamahuhusay na internasyunal na praktika,” ng United Nations Office on Drugs and Crime.

“Dapat itanong: bakit ngayon? Bakit ginagawa ito ng gubyerno ng Pilipinas ngayon lamang—matapos magsampa ng daan-daang kaso at i-freeze ang maraming bank account?” ayon sa NUPL. “(D)apat harapin ng UN ang mga implikasyon ng kanilang paglahok sa pagpapalakas ng mga mapanupil na hakbang sa kontra-terorismo at gumawa ng agarang hakbang upang maiwasan na magamit ang pagiging eksperto nila sa sistematikong paglabag sa karapatang-tao.”

Dapat ring suriin ng FATF ang sarili nito, ayon sa mga abugado, lalupa’t isinasantabi nito ang mga organisasyong sibil at hindi bukas ang mga operasyon nito.

“Hindi maitatago ng bagong buong SOP ang pangunahing mga depekto sa pakanang kontra-terorismo ng estado, gayundin papel ng FATF dito,” ayon sa NUPL.

AB: Pagsasampa ng "terrorism financing" laban sa mga aktibista, paghahabol ng estado para makalabas sa "grey list" ng FATF