Balita

Pagwawalambisa sa moratoryum sa malakihang pagmimina sa Occidental Mindoro, binatikos

,

Kinundena ng Kalikasan People’s Network for the Environment ang kamakailang desisyon na inilabas ng Supreme Court En Banc na nagpawalambisa sa mga ordinansa sa prubinsya ng Occidental Mindoro na nagbabawal sa malakihang pagmimina dahil sa labag diumano ito sa Philippine Mining Act (PMA) of 1995. Ayon sa grupo, delikado at magsisilbing negatibong pamantayan ang desisyon na inilabas at isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen.

Kasunod ng pagsasapubliko ng desisyon, kaagad na naglabas ng pahayag ng papuri ang Philippine Nickel Industry Association (PNIA) sa Korte Suprema. Liban sa PNIA, ikinagalak ng malalaking kumpanya at transnasyunal na korporasyon sa pagmimina ang naging desisyon. Bibigyang lisensya sila ng desisyon na patuloy na kalbuhin at dambungin ang kalikasan at mga kabundukan ng Pilipinas.

“Inilalantad nito ang malalalim na kahinaan ng PMA 1995, na ngayo’y nasa ika-30 taon na,” pahayag ng Kalikasan. Dagdag pa ng grupo, nilalabag ng desisyon ang karapatan ng mga lokal na pamahalaan at komunidad na ipagtanggol ang kalikasan at kanilang kapakanan, sa ngalan ng interes ng malalaking kumpanya at transnasyunal na korporasyon sa pagmimina.

Ang petisyon ng pagkwestyon sa ordinansa ay isinampa ng Agusan Petroleum and Mineral Corporation na nagsabing nilabag ng pagbabawal ang eksklusibong karapatan nito na makapagmina sa mga bayan ng Mamburao at Abra de Ilog sa ilalim ng Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) nito sa lokal na gubyerno. Nagpasa ng ordinansa ng 25-taong moratoryum sa malakihang pagmimina ang lokal na gubyerno ng Abra de Ilog noong 2008.

Ayon sa Korte Suprema, tanging mga batas at hindi ordinansa ang maaaring magbawal ng pagmimina sa ilalim ng PMA 1995, dahil nasa Kongreso ang kapangyarihang bantayan ang pagminina. Pangangatwiran ng korte, hindi maaaring magpataw ng “blanket ban” sa lahat ng malakihang pagmimina dahil lahat ng mga aplikasyon ay sumasailalim sa mga pagsusuri, kabilang ang konsultasyon sa mga lokal na pamahalaan, kaya dapat paisa-isang sinusuri ang bawat aplikasyon.

Para sa Kalikasan, ang desisyon ay hindi lamang isang simpleng “ligal na teknikalidad” kundi isang direktang atake sa awtonomiya ng mga lokal na gubyerno at kolektibong karapatan ng mamamayan para ipagtanggol ang kalikasan. Dagdag pa ng grupo, pabor na pabor sa interes ng mga korporasyon sa malakihang pagmimina at kanilang mga dayuhang kasosyo ang desisyon ng korte.

“Ilang ulit nang naiuugnay ang malakihang pagmimina sa pagbaha, pagguho ng lupa, pagkasira ng kagubatan, at pagpapalayas sa mga katutubo at komunidad sa kanayunan,” ayon sa Kalikasan. Napatunayan na umanong hungkag ang pangakong “responsableng pagmimina” na nakasaad sa PMA 1995 sa nagdaang mga dekada. Idiniin pa ng grupo na maging ang mga “safeguard” ng batas ay tahasang binabalewala o iniikutan ng mga kumpanya sa mina.

Muling nanawagan ang Kalikasan na kaagad ibasura ang PMA 1995. “Matapos ang 30 taon ng pagwasak at pandarambong, panahon na para magsabatas ng isang makatarungan, sustenable at maka-mamamayang patakaran sa pamimina,” anang grupo. Titiyakin ng ganoong batas ang karapatan at kagalingan ng komunidad, ng kalikasan at ng pambansang kaunlaran at hindi ng interes ng ganid na mga korporasyon.

AB: Pagwawalambisa sa moratoryum sa malakihang pagmimina sa Occidental Mindoro, binatikos