Panukalang bawiin ang prangkisa ng maka-Duterteng SMNI, ipinasa ng Kongreso

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ipinasa na sa ikatlong pagdinig sa House of Representatives noong Marso 20 ang House Bill (HB) No. 9710 na layong bawiin ang prangkisa ng Sonshine Media Network International (SMNI) dahil sa mga paglabag at kontrobersya nito. Sinuporatahan ang panukala ng 284 na mga kongresista, kabilang ang mga kinatawan ng blokeng Makabayan, habang apat ang tumutol at apat ang nag-abstain.

Ang SMNI ay pag-aari ni Apollo Quiboloy, pinuno ng isang sektang relihiyoso. Kasalukuyang iniimbestigahan si Quiboloy ng Senado sa mga alegasyon ng panggagahasa at pang-aabuso sa mga kasapi ng kanyang sekta. Mayroon din siyang kinakaharap na kaso ng pang-aabusong sekswal at human trafficking sa US.

Tinukoy sa naging imbestigasyon at mga pagdinig ng komite sa iginawad ng Kongreso na prangkisa nito ang mga paglabag na naging batayan para bawiin ang prangkisa. Kabilang dito ang kabiguan ng SMNI na magbigay ng “mahusay at balansyadong programa,” hindi pag-uulat sa Kongreso kaugnay ng pagbebenta ng kumpanya sa ibang tagapagmay-ari, at kakulangan nitong maglaan ng 30% ng mga sapi nito para sa pagmamay-ari ng publiko.

Imbwelto ang SMNI at mga programa nito sa maraming kaso ng red-tagging at pambabanta sa mga aktibista at progresibong grupo. Tukoy na mga tauhan at tagapagbalita ng SMNI ang ilan sa mga tau-tauhan ng National Task Force-Elcac at pangkating Duterte tulad nina Lorraine Badoy at Eric Almendras (Eric Celiz). Naging tampok din sa istasyon ang pahayag ni Rodrigo Duterte na “gusto niyang patayin” si House Minority Deputy Leader at ACT Teachers Rep. France Castro at mga katulad niya sa isa sa mga programa nto noong Oktubre 2023.

Bumoto kontra sa panukala sina Gloria Arroyo (Pampanga), Paolo Duterte (Davao City), Drixie Cardema (Duterte Youth party-list), at Ron Salo (Kabayan party-list).

AB: Panukalang bawiin ang prangkisa ng maka-Duterteng SMNI, ipinasa ng Kongreso