Pasaning buwis ng masang Pilipino, dadagdagan pa ni Marcos

, ,

Inianunsyo ng Department of Finance noong Abril 25 ang target nitong abuting ₱500 bilyong dagdag na rebenyu mula sa buwis simula 2025. Planong abutin ang target na ito sa pamamagitan ng pagpataw ng dagdag pang mga buwis sa masang Pilipino. Mula sa ₱3.73 trilyong ngayong taon, ang malilikom na buwis ay maaring umabot sa ₱6.62 trilyon sa 2028, ayon sa ahensya.

Kabilang sa mga bagong buwis na ipapataw ng nakaupong rehimen ang value added tax sa mga digital service provider tulad Netflix, IFlix at iba pang streaming services. Dagdag pa ang ipapataw na buwis sa mga single-use plastic (isahang-gamit na mga supot na plastik na ginagamit sa mga palengke at tindahan), alak at dagdag na buwis sa sweetened beverages (minatamis na inumin tulad ng mga powdered juice). Madadagdagan din ang motor vehicle road user tax at pagmimina. Umaasa ang estado na umabot sa ₱501.4 bilyon ang malilikom mula sa tatlong huling buwis.

Inaasahang aabot sa ₱297.8 bilyon ang malilikom na buwis sa matatamis na inumin at ₱151 bilyon mula sa road user’s tax. Nakatuon ang mga buwis na ito sa ordinaryong mamamayan at mga bumibyahe sa malalaking pribadong haywey sa Luzon. Kahit pa pinakamapangwasak sa kalikasan, pinakamaliit ang ipapataw na buwis sa malalaking dayuhan at lokal na kumpanya, kung saan ₱52.6 bilyon lamang ang inaasahang dagdag na malilikom mula sa pagmimina.

Dagdag dito, ipinanukala ng Bureau of Internal Revenue na patawan ng 1% buwis ang kalahati ng gross remittance ng maliliit na negosyanteng nagbebenta sa mga online platform tulad ng Shopee, Lazada at iba pa. Liban pa ito sa mga bayarin at porsyentong kinukuha ng mga naturang malalaking kumpanya sa bawat benta ng mga seller. Magkakaroon na rin ng buwis ang mga transaksyong pinansyal na elektroniko tulad ng GCash at iba pa. Dagdag din ito sa dati nang mga bayarin o service charge na ikinakaltas sa bawat transaksyon.

Samantala, umabot sa 17 proyekto na nagkakahalaga ng ₱414 bilyon ang binawasan ng rehimeng Marcos ng buwis alinsunod sa batas na CREATE. Sa ilalim ng batas, ibinaba ang buwis sa kita ng malalaking kumpanya mula 30% tungong 20%-25%. Mayorya, kundiman lahat ng kumpanyang ginawaran ng tax hreak ay dati nang may mga operasyon sa bansa. Taliwas ito sa pangako ng mga tagapaglako ng CREATE na hihila ang insentibang ito ng bagong dayuhang pamumuhunan. Kasama sa ginawaran ng insentiba ang tatlong kumpanya sa telekomunikasyon, mga lokal na kumpanya sa konstruksyon, imprastruktura at iba pa na pag-aari ng pinakamalalaking burgesya kumprador ng bansa.

AB: Pasaning buwis ng masang Pilipino, dadagdagan pa ni Marcos