Pekeng kumperensya pangkapayapaan ng US, binatikos ng kababaihan
Nagmartsa tungong sa US Embassy sa Maynila ngayong araw, Oktubre 28, ang mga myembro ng Gabriela para batikusin ang isinasagawa ng US sa bansa na pekeng kumperensya para sa kapayapaan. Nakabatay ang International Conference on Women, Peace and Security sa UN Security Council Resolution 1325 na kunwa’y nagbibigay puwang sa partisipasyon ng kababaihan sa mga usaping pangkapayapaan at seguridad, laluna sa mga lugar na may armadong sigalot. Dumalo rito ang mga upisyal ng rehimeng Marcos mula sa mga kagawaran ng depensa, ugnayang panlabas at ahensyang pangkababaihan.
Kinundena ni Rep. Arlene Brosas, kinatawan ng Gabriela Women’s Party at kandidato pagkasenador ng Makabayan, ang rehimeng Marcos sa pangangayupapa nito sa militar ng US sa likod ng retorika nito kaugnay sa women empowerment at gender equality. “Ang kumperensyang ito ay hindi para sa pagtatanggol sa kababaihan at bata, ito ay para pagsilbihan ang heyopulitikal na interes ng US sa rehiyon (ng Asia),” aniya.
“Ang kumperensyang ito…ay walang iba kundi tusong pagtatangka na gawing lehitimo ang imperyalismong US at kaladkarin ang kababaihang Pilipino para sumuporta sa hangad nitong gera laban sa imperyalistang karibal nitong China,” pahayag ni Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
“Habang itinataguyod umano nito ang representasyon ng kababaihan sa (mga usaping) pangkapayapaan at seguridad, at tinutugunan ang karahasan laban sa kababaihan sa mga lugar na may sigalot, ang tunay na layunin nito ay bigyan-katwiran ang dagdag na presensya ng militar ng US at kontrol nito sa mga usaping Pilipino, lalo na sa hidwaan sa dagat sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.”
Sadyang kinakaladkad ng US ang Pilipinas sa armadong kumprontasyon sa China sa pamamagitan ng pagtatayo nito ng mga base militar sa bansa, pagsasagawa ng mga war games, pagtatambak ng mga armas, ayon sa Gabriela. “Magreresulta lamang ito sa dagdag na kahirapan, paglabag sa karapatang-tao, karahasan laban sa kababaihan, at pinsala sa likas na yaman ng bansa,” ayon kay Palce.
Panawagan niya sa kababaihang Pilipino ang magkaisa at lumaban, alinsunod sa rebolusyonaryong tradisyon ni Gabriela Silang. “Ang tunay na kapayapaan at seguridad ay hindi maaaring makamit sa pamamagitan ng imperyalistang pagsasamantala at panunulsol ng gera,” aniya.
Inilunsad ng kababaihan ang kanilang programa sa Kalaw Avenue, matapos harangin ng mga pulis ang kanilang martsa.