Peligrosong kasunduang nukleyar para sa "sibilyang gamit" sa pagitan ng US at Pilipinas, nagkabisa na

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagkabisa na ang kasunduang nukleyar para sa diumano’y sibilyang gamit sa pagitan ng US at Pilipinas o ang tinawag na 123 Agreement noong Hulyo 2. Pinirmahan ang kasunduan noong bumisita sa bansa ang bise-presidente ng US na si Kamala Harris noong Nobyembre 2022.

Sa bisa ng kasunduang ito, maaari nang pumasok ang 40 kumpanyang Amerikano sa bansa sa Pilipinas para magtayo ng maliliit na plantang nukleyar o small modular reactor (SMR) para lumikha ng kuryente. Wala pa ni isang gayong komersyal na planta na nakatayo ngayon sa buong mundo, kahit sa US mismo, kaya pag-eeksperimentuhan ng mga ito ang Pilipinas.

Sa US, tinanggihan ng ilang kooperatiba ng kuryente ang mga SMR dahil sa sobrang mahal ng konstruksyon ng mga ito. Sobrang mahal din ang kuryenteng lilikhain nito kaya hindi makatitipid ang anumang bansa sa SMR. Sa kasalukuyan, nagkakahalaga ng $5.3 bilyon hanggang $9.3 bilyon ang konstruksyon ng 8-12 SMR na makapagpoprodyus ng kuryenteng 462 megawatt.

Katulad ng malalaking plantang nukleyar, malaki ang panganib ng maliliit na plantang ito sa kapaligiran at kalusugan ng mamamayan. Katunayan, mas malaki ang bolyum ng duming nukleyar na inilalabas ng mga SMR, ayon sa isang pag-aaral ng Stanford University noong 2022.

AB: Peligrosong kasunduang nukleyar para sa "sibilyang gamit" sa pagitan ng US at Pilipinas, nagkabisa na